Daughters of Saint Paul

Mayo 12, 2018 Sabado sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

JUAN 16:23 -28

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “At sa araw na iyon, wala na kayong itatanong sa akin sapagkat talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na ipagkakaloob sa inyo anumang hingin ninyo sa Ama sa Ngalan ko. Hanggang ngayo’y wala pa kayong hiningi sa Ngalan ko. Humingi kayo at tatanggap kayo upang maganap ang inyong kagalakan. Sa mga paghahambing ko ipinangungusap sa inyo ang mga ito. Ngunit may oras na sasapit na hindi sa paghahambing ako mangungusap sa inyo kundi lantaran ko nang ihahayag sa inyo ang tungkol sa Ama. Sa araw na ’yon, sa ngalan ko kayo hihingi; hindi ko sinasabi sa inyo na makikiusap ako sa Ama alang-alang sa inyo pagkat iniibig kayo mismo ng Ama dahil iniibig n’yo ako at pinaniniwalaang sa Diyos ako galing. Galing ako sa Ama at dumating sa mundo. Muli kong iniiwan ang mundo at papunta sa Ama.”

 

PAGNINILAY:

"Anumang hilingin n’yo sa Ama sa ngalan ko ay ipagkakalooob niya sa inyo."  Ibinahagi ni Sr. Rose Agtarap ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Talaga, Jesus? Totoo ito? Promise?  Eh bakit ang dami ko nang hiniling pero parang hindi naman niya naririnig eh. Marami nga ang nagsasabi na hindi na sila nagdarasal kasi napagod na sila. Wala naman daw saysay. Natutulog daw kasi ang Diyos.  Madalas, ganito ang tingin natin sa Diyos, parang vendo machine. Maglalagay ka ng barya at paglipas ng ilang minuto, lalabas na yung inorder mo. Kaya nagsisindi ng kandila, nagno-novena, nag-aalay ng misa, nagrorosaryo, lumalakad nang paluhod, at mahaba pa sa listahan ng huweteng o lotto ang mga intensiyon. Pagkatapos, maghihintay kung ano ang sagot ng Diyos.  Ito ba ang ibig sabihin ni Jesus sa "humingi ka at ikaw, bibigyan?" Sabi din niya sa mga alagad: "Alam na ng Diyos kung ano ang kailangan mo bago pa bumuka ang iyong bibig, dahil nakikita niya ang ating puso." Wala naman pong masama sa panalangin na humihingi ng grasya sa Diyos. Pero hindi natin pwedeng suhulan ang Diyos: "O sige, magpapanata ako pero dapat, bago matapos ang novena ko, matatanggap ko na yung hinihingi ko, ha?   Madalas sinisimulan ni Jesus ang panalangin niya sa pasasalamat sa Ama. At lagi niyang hinihiling ang grasya na maganap ang naaayon sa kalooban ng Ama. Ang panalangin, paghahanap ng kalooban ng Ama, hindi ang kung ano ang gusto ko. Sundan natin ang halimbawa ng Mahal na Birheng Maria na nagtanong sa anghel kung ano ang ibig sabihin ng salita niya. At nang maliwanagan siya’y buong' kababaang-loob na nagsabi: "Alipin ako ng Panginoon. Maganap nawa sa akin ayon sa wika mo.  Mga kapatid, mga kapanalig, huwag mag-atubiling magtanong kung ano ang kalooban niya para sa iyo. Kung mananahimik tayo at makikinig sa panalangin, malalaman nating tiyak kung ano ito.