Daughters of Saint Paul

MAYO 12, 2021– MIYERKULES SA IKA-6 NA LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Jn 16:12-15

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Marami pa sana akong sasabihin sa inyo subalit hindi ninyo mauunawaan ngayon. Darating naman S’ya, ang Espiritu ng katotohanan, at maghahatid sa inyo sa buong katotohanan. Wala na S’yang sasabihin mula sa ganang sarili kundi ang lahat n’yang maririnig ang kanyang bibigkasin at ang mga bagay na darating ang ibabalita niya sa inyo. Ibabalita n’ya sa inyo ang tatanggapin n’ya mula sa akin, at sa gayon n’ya ako luluwalhatiin. Ang tanang sa Ama ay akin. Dahilan dito kaya ko sinabing ‘Mula sa akin s’ya tatanggap at magbabalita sa inyo.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Nina Caccam ng Pastorelle Sisters ang pagninilay sa ebanghelyo.  Ikaw ba ay naghahangad ng katotohanan? Paano kung ang katotohanan ay tila mailap at hindi mo nararanasan? Sabi ng Panginoon, “Huwag kang mabahala… bagkus magtiwala ka sa pagdating ng Espiritu ng Katotohanan… Siya ang magpapaalala nang lahat, at magbubunyag ng kung ano ang totoo at dalisay. Sa kabilang banda, hinahayaan din ng Espiritu ang mga bagay na mangyari, kahit pa ito’y hindi kaaya-aya sa ating paningin, upang malubos ang pagpapadalisay sa ating puso, na patuloy na umasa at manampalataya, sa kakayanan ng Diyos na itama ang kung anuman ang mali. Kapatid, umasa ka lang….at kasabay nito’y dalisayin mo rin ang kakayanan mong magmahal, habang hinihintay mo ang pagdating ng Espiritu ng Katotohanan. Hindi man ito sa panahong nais mo, kundi sa pagdating ng panahong naaayon sa itinakda ng Diyos. Patuloy ka lang manalangin at mag-alay ng mga sakripisyo na galing sa pagpapadalisay ng iyong pag-ibig, dahil sa ganitong paraan lamang tayo nakikibahagi sa Diyos ng pag-ibig.// Dapat din nating tandaan na sa ating pakikipagniig sa Diyos, lubos na kailangan ang pakikinig dahil sa mundong puno ng kasinungalingan at fake news, mahirap mapakinggan ang tinig ng katotohanan. Hindi lamang ito sa lugar na walang ingay, kundi sa katahimikan ng ating mga pusong may pagnanais sundin ang kalooban ng Diyos. Mga kapatid, ang Espiritu ang ating gabay tungo sa pagkilatis at pagsunod sa kalooban ng Diyos. Hangarin nating sumunod sa kanyang paggabay dahil tanging sa ganitong paraan lamang natin makakamtan ang kapayapaan tungo sa buhay na ganap at kasiya-siya.  

PANALANGIN

Diyos Espiritung Banal, patnubayan Mo ang aming isip, puso at kalooban. Ihanda Mo po kami sa pakikinig sa Iyong salita. Nababatid naming minsan kami’y mahina, pero sa patuloy mong paggabay, ang lahat ay mailalagay sa kung ano ang lubhang totoo at dalisay. Amen.