BAGONG UMAGA
Mapayapang araw ng Linggo mga kapatid/kapanalig! Ipinagdiriwang po natin ngayon ang Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ng Panginoon. Ngayon din po ang Pandaigdigang Araw ng Pakikipagtalastasan kaya’t idalangin po natin ang lahat ng gumagamit ng social media of communications. Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan po natin ang Ebanghelyo ayon kay San Marcos kabanata labing-anim, talata labinlima hanggang dalawampu.
Ebanghelyo: Mk 16:15-20
Sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang Ebanghalyo sa buong sangkinapal. Maliligtas ang maniniwala at magpabinyag; hahatulan naman ang di maniniwala. At ito ang mga tandang sasama sa mga maniniwala: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking Pangalan, magsasalita sila sa iba pang mga wika, hahawakan nila ang mga ahas, at hindi sila maaano kung iinom man sila ng may lason. Ipapatong nila ang kanilang kamay sa mga maysakit at gagaling ang mga iyon.” Matapos silang kausapin ng Panginoong Jesus, iniakyat siya sa Langit at lumuklok sa kanan ng Diyos. At umalis sila at nangaral sa lahat ng lugar. Kasama nilang gumagawa ang Panginoon at pinatatatag ang Salita sa tulong ng mga tandang kasama nila.
Pagninilay:
Isinulat ni Fr. Rolly Garcia ng Archdiocese of Manila ang pagninilay sa Ebanghelyo.
Sa ating Mabuting Balita ngayon, napakinggan natin kung papaano kinatagpo ni Hesus ang kanyang mga alagad sa Galilea at inatasan sila: “Humayo kayo sa buong mundo at ipangaral ang Magandang Balita sa lahat ng tao.” Sa Galilea sila unang tinawag, sa Galilea din sila isinusugo. Ang tawag ng Simbahan ngayon ay ang “New Evangelization”. Sabi ni Papa San Juan Pablo II, sa kanyang liham ensiklikal na Redemptoris Missio, may tatlong katangian daw ang Bagong Ebanghelisasyon: bagong paraan, bagong pagpapahayag, at bagong sigla. Sabi naman ni Papa Francisco, ang Bagong Ebanghelisasyon ay nangangailangan ng personal na pakikilahok ng bawat isa sa mga binyagan. Tayong lahat ay mga disipulong isinusugo, mga missionary disciples. Ang bawat Kristiyano na nakaranas ng pag-ibig ng Diyos kay Hesukristo ay misyonero. Mga kapanalig, tandaan natin, katulad ng mga alagad na kinatagpo ni Hesus sa Galilea bago siya umakyat sa langit, tayo rin ay kanyang isinusugo upang ipangaral ang Magandang Balita”.