Daughters of Saint Paul

Mayo 12, 2025 – Lunes – Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Ebanghelyo: Juan 10:1-10

Sinabi ni Hesus “Talagang talagang sinasabi ko sa inyo. Ang hindi dumadaan sa pintuan sa pag pasok sa kulungan ng mga tupa kundi lumulukso sa ibang dako ay magnanakaw at magdarambong. Ang pastol ng mga tupa naman ay pumapasok sa pintuan. Binubuksan siya ng bantaypinto; at nakikinig ang mga tupa sa kaniyang tinig: at tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa kanilang ngalan, at inilalabas niya sila. Kapag nailabas na niya ang tanang kanya, sa harap niya siyang naglalakad, at kanya sumusunod ang mga tupa: sapagka’t kikilala nila ang tinig niya. Hinding hindi sila susunod sa dayuhan, kundi tatakasan nila siya: sapagka’t hindi nila nakikilala ang tinig ng dayuhan”. Ito ang talinghagang sinabi sa kanila ni Hesus. Ngunit hindi nila maintindihan kong ano ang gusto niyang sabihin sa kanila. Kaya sinabi ulit ni Hesus “Talagang talagang sinasabi ko sa inyo. Ako ang pintuan ng mga tupa. Magnanakaw lamang at mangdarambong ang lahat ng nauna sa akin, ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako ang pintuan, kong may pumapasok sa pamamagitan ko, maliligtas siya at papasok at lalabas, at makatatagpo ng pastulan. Ang magnanakaw ay hindi dumarating, kundi para lamang magnakaw, pumaslang at magpahamak. Dumating naman ako upang magkaroon sila ng buhay, at lubos na magkaroon nito”.

Pagninilay:

Narinig mo na ba ang boses ni Kristo? Eh ang boses ng kalaban? Paano nga ba natin

malalaman kung kaninong boses ang naririnig natin sa araw-araw? Narinig natin sa Mabuting Balita ngayon na kilala ng mga tupa ang boses ng kanilang pastol at “hindi sila sumusunod sa iba, bagkus lumalayo, palibhasa ay hindi nakikilala ang tinig ng iba.” Sa aking personal na karanasan, nalalaman ko na tinig ng aking pastol na si Hesus ang aking naririnig kapag ang aking diwa ay itinatanod papunta sa alaala ng Kanyang pagmamahal. Nararanasan ko ito lalung-lalo na tuwing nagdarasal sa Banal na Sakramento, at tuwing nagninilay-nilay sa Kanyang salita sa Biblia. Hindi ba, kapag araw-araw nating nakakausap at nakakasalamuha ang ibang tao, mas lubusan natin silang nakikilala? Maski gawi at simpleng kilos, alam na natin ang ibig sabihin. Ganito rin sa ating relasyon sa Diyos. Kung araw-araw natin siyang kakausapin at kikilalanin, mas lilinaw ang ating pandinig at mas makikilala natin ang tinig niya. Dahil dito, mas magiging matalas na rin ang ating mga espiritual na tainga na matukoy ang tinig ng ating pastol mula sa kalaban. Matututo tayong sundan lamang ang boses na magdadala sa atin sa sariwang pastulan, ika nga sa Salmo 23. Ikaw, kapanalig paano mo natutukoy ang tinig ng Diyos mula sa kalaban?

Manalangin tayo. Panginoong Hesus, salamat po sa biyayang marinig ka. Nagsusumamo kami, Panginoon, na pahintulutang lalo kaming mapalapit sa iyo sa araw-araw upang lubusang makilala ang iyong tinig. Gabayan mo po kami na maging mapanuri sa aming mga kaisipan at gawain. Nawa’y tinig mo lamang ang maghari sa aming puso at isipan, nang maging tinig mo rin kami sa aming kapwa. Amen.