Daughters of Saint Paul

Mayo 13, 2017 SABADO sa Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay / Birhen ng Fatima

Gawa 13:44-52 – Slm 98 – Jn 14:7-14

Jn 14:7-14

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad:  “Kung nakilala n’yo sana ako, nakilala n’yo rin ang aking Ama. Ngunit kilala n’yo siya at nakita n’yo siya.”

             Sinabi sa kanya ni Felipe:  “Panginoon, ituro mo na sa amin ang Ama at sapat na sa amin.” Sumagot sa kanya si Jesus:  “Diyata’t matagal na panahon n’yo na akong kasama at hindi mo pa ako kilala, Felipe? Sa pagkakita sa akin ninuman, ang ama ang nakita niya. Paano mong masasabi: ‘Ituro mo sa amin ang Ama’?

            “ Hindi ka ba naniniwalang nasa Ama ako at nasa akin ang Ama? Hindi mula sa sarili ko sinasabi ang mga salitang binibigkas ko. Sa akin nanunuluyan ang Ama, at siya ang gumagawa ng kanyang mga gawa. Maniwala kayo sa akin na nasa Ama ako at nasa akin ang Ama. Kung hindi dahil sa akin, maniwala kayo dahil man lamang sa mga gawa.

            “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magagawa ng nananalig sa akin ang aking ginagawa; at mas dakila pang mga bagay ang kanyang gagawin. Sapagkat sa Ama ako papunta. Anumang hingin n’yo sa Ngalan ko’y gagawin ko upang luwalhatiin ang Ama sa Anak. At kung sa aki’y may hihingin kayo sa Ngalan ko, gagawin ko iyon.” 

PAGNINILAY

Sa Ebanghelyong ating narinig, patuloy na ipinahahayag ni Jesus ang kaisahan Niya sa Ama, na Siya at ang Ama, iisa. Hindi lang ito pagpapatotoo sa pamamagitan ng Kanyang mga salita.  Maging ang Kanyang mga gawa, nagpapatotoo na sumasakanya ang Ama, dahil wala Siyang ginagawa na hindi sang-ayon sa kalooban ng Kanyang Ama.  Sa Kanyang pananalita, nangungusap ang Ama.  Sa Kanyang mga himala, kumikilos din ang Ama.  Pero sa kabila nito, hindi pa lubos na nakikilala ni Felipe ang Ama, kung kaya’t mariing sinabi ni Jesus na Siya’y sumasa-Ama at ang Ama, sumasa-Kanya.  Mga kapatid, sa pamamagitan ni Jesus, nakikita at nakikilala natin ang Diyos Ama.  Ang dating Diyos na hindi nakikita, naging hayag at bunyag sa Anak.  Nakakalungkot isipin na magpahanggang ngayon, isa itong katotohanan na hindi pinaniniwalaan ng maraming sekta ng relihiyon.  Di sila naniniwala sa doctrina ng Santisima Trinidad – sa iisang Diyos, na may tatlong persona – ang Diyos Ama, Diyos Anak at Diyos Espiritu Santo.  Bagamat may kanya-kanya silang pagkakakilanlan at may natatanging katangian – walang nakahihigit sa tatlong personang ito ng Diyos – sila’y pantay-pantay sa kapangyarihan, karangalan at pagka-Diyos.  Magkakatuwang sila sa gawaing Paglikha, Pagligtas at Pagbabanal.  Di man lubusang maarok ng ating limitadong pag-iisip ang katotohanang ito tungkol sa Diyos, pero kung tayo’y may pananampalataya sa Diyos, di natin kukuwestiyunin pa ang doktrinang ito.  Ika nga ng kilalang Danish philosopher na si Soren Kierkegaard, “Faith begins where reason ends.”