Daughters of Saint Paul

Mayo 13, 2018 Linggo Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ng Panginoon (B) / Pandaigdigang Araw ng Pakikipagtalastasan

MARCOS 16:15-20

Sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang Ebanghalyo sa buong sangkinapal. Maliligtas ang maniniwala at magpabinyag; hahatulan naman ang di maniniwala. At ito ang mga tandang sasama sa mga maniniwala: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking Pangalan, magsasalita sila sa iba pang mga wika, hahawakan nila ang mga ahas, at hindi sila maaano kung iinom man sila ng may lason. Ipapatong nila ang kanilang kamay sa mga maysakit at gagaling ang mga iyon.” Matapos silang kausapin ng Panginoong Jesus, iniakyat siya sa Langit at lumuklok sa kanan ng Diyos. At umalis sila at nangaral sa lahat ng lugar. Kasama nilang gumagawa ang Panginoon at pinatatatag ang Salita sa tulong ng mga tandang kasama nila.

PAGNINILAY:

"Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang ebanghelyo sa buong sangkinapal."  Sinulat ni Sr. Rose Agtarap ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Sa mensahe ni Papa Francisco para sa araw na ito, binibigyang-diin niya ang kahalagahan ng katotohanan. Katotohanan ang magpapalaya sa iyo: Fake News at Journalism para sa kapayapaan ang tema sa taong ito.  Ano ba ang fake news? Impormasyon ito na walang basehan na ginagamit upang lumikha ng hidwaan at magkahiwalay o magkasalungat na opinyon. Madalas binabaluktot nito ang katotohanan upang iligaw ang mambabasa para magpasya at kumilos kasama ng iba. Sa panahon ng social media, talaga namang nagkalat ang mga nagbebenta ng fake news sa larangan ng pulitika, edukasyon, entertainment, at sa lahat ng aspeto ng lipunan pati na ang kasaysayan at ang relihiyon. Pinapalitan ang ibang detalye ng mga naganap na sa kasaysayan para linisin ang pangalan ng isang angkan o kaya naman, para dungisan ang reputasyon ng kalaban.  Sabi ni Pope Francis, tungkulin natin bilang mga Kristiyano na labanan ang kasinungalingan. Hindi ito madali dahil mahirap alisin ang maskara ng ama ng kasinungalingan. Ginagamit niya ang totoo pero binabaluktot ito para akitin ang tao sa huwad na pangangatwiran. Kailangan din tayong matutong kumilatis kung alin ang katotohanan sa kasinungalingan upang makapamuhay tayo nang malaya ayon sa katotohanan.  Ang pinakamainam na pangontra sa fake news, ayon kay Pope Francis, ay hindi mga plano o strategies, kundi mga tao. Mga taong hindi sakim kundi handang makinig. Mga taong nagsisikap na makipag-usap sa iba upang lumitaw ang katotohanan. Mga taong malapit sa kabutihan at pinananagutan ang kanilang mga salita.