EBANGHELYO: Jn 16:16-20
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sandali pa at hindi n’yo na ako muling makikita, at sandali pa at makikita n’yo rin ako.” At sinabi ng kanyang mga alagad sa isa’t isa: “Ano ba itong sinasabi niya sa atin: ‘Sandali pa at hindi n’yo na ako makikita, at sandali pa at makikita n’yo rin ako’ at ‘Papunta ako sa Ama’?” Kaya sinabi nila: “Ano ba itong ‘sandali’? Hindi natin alam kung ano ang sinasabi n’ya.” Alam ni Jesus na niloloob nilang tanungin s’ya at sinabi n’ya sa kanila: “Itinatanong n’yo sa isa’t-isa ang ibig kong sabihin, ‘Sa sandali pa at hindi n’yo na ako makikita, at sandali lamang at makikita n’yo ako.’ Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, tatangis kayo at tataghoy, ngunit magagalak naman ang mundo. Malulungkot kayo ngunit magiging kagalakan ang inyong kalungkutan.
PAGNINILAY
Isinulat ni Marissa Manigbas ng Institute of Our Lady of Annunciation o IOLA ang pagninilay sa ebanghelyo. (Nakaranas ba kayo na hindi nyo nauunawaan ang sinasabi sa inyo? Hindi ko “maaruk” sabi sa tagalog? At kung sa mga lenggwahe ngayon “ANO DAW? HINDI KO GETS”, “LOADING PA!” Yan marahil ang eksena sa Mabuting Balita!) Hindi maunawaan ng mga alagad ang sinasabi ni Hesus. Naguguluhan sila sa pananalita Niya at noong pinaliwanag, parang lalong hindi nila maunawaan. Parang simple lang naman ang gustong sabihin ni Hesus sa kanila, ang pagsunod sa kanya ay hindi madali. Magbabata din sila ng hirap tulad N’ya, pero nagbigay ng assurance si Hesus na hindi N’ya sila iiwan. Marahil hindi pa nila nauunawaan ang sinasabi ni Hesus na sila ay inaatasan N’ya na maging instrumento ng pagpapalaganap ng kaharian ng Diyos, hindi pa nila noon ma-gets. Katulad rin sa ating buhay, may mga bagay o pangyayari na hindi natin maunawaan, lalo na kung ang pangyayari ay paghihirap o kapighatian. Nahihirapan tayong unawain at tanggapin ang kalooban ng Diyos, at kung minsan tanung tayo ng tanong kung bakit nangyayari ang mga bagay na hindi ayon sa ating kagustuhan. Kung minsan nga sa sobrang hirap ng pinagdaraanan, pati ang Diyos inaaway natin, dahil hindi natin mabata ang ating krus. Gulong-gulo tayo. / Malimit nalilimutan natin na kasama natin ang Diyos at hindi tayo iniiwan. Tandaan natin, nakikita tayo ng Diyos, alam N’ya ang pinagdadaanan natin.// Mga kapatid, wag sana tayong panghinaan ng loob sa gitna ng mga pagsubok at hamon ng buhay, dahil alam ng Diyos ang ginagawa N’ya sa atin, hindi mo man ma-gets, tiwala lang.