Ebanghelyo: Juan 10:22-30
Piyesta ng pagtatalaga sa Jerusalem, at taglamig noon. Palakad-lakad si Hesus sa Templo sa patyo ni Solomon, at pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya: “Hanggang kailan mo ba kami ibibitin? Kung ikaw ang Kristo, sabihin mo sa amin nang tahasan.” Isinagot sa kanila ni Hesus: “Sinabi ko na inyo subalit ayaw ninyong maniwala. Nagpapatotoo sa akin ang mga gawang ginagawa ko sa ngalan ng aking Ama. Subalit hindi kayo naniniwala sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. Naririnig ng aking mga tupa ang aking tinig, at nakikilala ko naman sila, at susunod sila sa akin. Buhay na walang hanggan ang ibinibigay ko sa kanila at hinding-hindi sila mapapahamak ni walang aagaw sa kanila mula sa aking mga kamay. Mas dakila kaysa anuman ang ibinigay sa akin ng aking Ama, at walang makaaagaw mula sa kamay ng Ama. Iisa kami ng aking Ama.”
Pagninilay:
Isinulat po ni Sr. Tess Espina ng Daughers of St. Paul ang ating pagninilay.
Nagtanong ang mga Hudyo kay Hesus kung Siya nga ang Mesiyas na kanilang hinihintay. Nakasaksi na sila ng maraming himala noon, tulad ng pagpapagaling sa maysakit, ang pagpaparami ng tinapay na nagpakain sa libu-libo, at iba pa… ngunit ayaw pa rin nilang kilalanin ang tunay na pagkatao ni Hesus. Si Hesus mismo ang nagsabi na ayaw nilang maniwala dahil hindi sila kabilang sa Kanyang mga tupa. Hindi sila bahagi ng Kanyang kawan, kaya hindi sasapat kahit anong paliwanag upang maunawaan nila kung sino Siya.
Sinabi ni Hesus na nakikinig sa Kanyang tinig ang Kanyang mga tupa. Kilala Niya sila, at sumusunod sila sa Kanya, at tiyak na tatanggap sila ng buhay na walang hanggan.
Maingay ang mundo ngayon, puno ng iba’t ibang tinig. Lalo na sa social media, iba’t ibang bagay ang ibinebenta at itinuturing na mahalaga – maririnig natin ang kanilang mga pangako, kasinungalingan, at mga huwad na pangaral kaya nahihirapan tayong marinig ang tinig ng Mabuting Pastol.
Ngunit maririnig natin ang tinig ng Pastol sa panalangin at sa Kanyang Salita. Maingat at puno ng pagmamahal Niya tayong tinatawag, dahil alam Niya na ligtas tayo sa piling Niya. Kailangan nating pagyamanin ang ugnayang ito sa Kanya upang hindi tayo mahiwalay at maligaw magpakailanman.
Humingi tayo ng biyaya upang makilala ang natatanging tinig na mapagkakatiwalaan –ang tinig na nagmamalasakit sa ating kaluluwa… ang tinig ng Pastol, ang tinig ng ating Tagapagligtas na si Hesukristo. Ipinagdiriwang din natin ngayon ang Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Fatima na nagpakita sa tatlong batang pastol na sina Lucia, Francisco, at Jacinta. Sinabihan niya silang mag-rosaryo at magkaroon ng debosyon sa kanyang Kalinis-linisang Puso. Dinggin nawa natin ang kanyang panawagan para sa kapayapaan ng mundo at sa kaligtasan ng mga kaluluwa. Amen.