Ebanghelyo: Juan 15, 9-17
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Katulad ng pagmamahal sa akin ng Ama, gayundin naman ang pagmamahal ko sa inyo. Manatili kayo sa pagmamahal ko. Kung tutuparin ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa pagmamahal ko katulad ng pagtupad ko sa mga utos ng aking Ama at ng pananatili ko sa kanyang pagmamahal. Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang mapasainyo ang kagalakan ko, at maging ganap ang galak ninyo. Ito ang utos ko: Magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo. Wala nang pagmamahal na hihigit pa kaysa pag-aalay ng sariling buhay alang-alang sa mga kaibigan niya. Mga kaibigan ko kayo kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko sa inyo. Hindi ko na kayo itinuturing na mga utusan sapagkat hindi alam ng utusan kung ano ang ginagawa ng kanyang panginoon. Itinuring ko naman kayong mga kaibigan sapagkat ipinaalam ko sa inyo ang lahat ng narinig ko mula sa aking Ama. Hindi kayo ang humirang sa akin kundi ako ang humirang sa inyo at itinalaga ko kayo para matagpuang namumunga, at manatili ang bunga ninyo. At ipagkakaloob sa inyo ng Ama anuman ang hilingin ninyo sa kanya sa Ngalan ko. Iniuutos ko nga sa inyo na magmahalan kayo.”
Pagninilay:
“Kung paanong iniibig ako ng Ama, gayon din naman iniibig ko kayo. Manatili kayo sa aking pag-ibig.” Ito ang paalam ni Hesus sa gabi ng Huling Hapunan. Paano naranasan ni Jesus ang pag-ibig ng Ama? Sinabi niya sa mga Hudyo: “Ang Ama ay laging kasama ko. Hindi niya ako pinabayaang mag-isa dahil lagi kong ginagawa ang Kanyang kalooban.” Ang pag-ibig ng Ama ay nananatili, dalisay at tapat. Gayon din ang pag-ibig ni Jesus sa kanyang mga apostol, kaya naman pinayuhan niya sila na manatili sa kanyang pag-ibig. Ganito rin ang sinasabi niya sa atin. Pero paano ba tayo mananatili sa kanyang pag-ibig? Si Jesus mismo ang nagbigay ng sagot: “Sundin ninyo ang aking utos: ibigin ninyo ang isa’t isa.” At ang pagmamahal natin sa iba ay dapat katulad ng pagmamahal ni Hesus sa atin – nang walang kondisyon. Mahal niya tayo hindi lamang kapag banal tayo, marami tayong ginagawang mabuti, o sumusunod sa Sampung Utos. Una niya tayong minahal sa ating sa ating karukhaan at pagka-makasalanan. Ganito rin natin dapat mahalin ang ating kapwa.
Madaling sabihin pero mahirap gawin. Paano mamahalin ang isang rapist, isang serial killer, isang human trafficker, isang mapang-api, isang lapastangan, isang sinungaling, at iba pa?
Maaari nating sabihin, “Ipagdarasal ko siya, pero mahalin, never!” Dapat muna silang parusahan.”
Kailangan nating marinig muli ang sinabi ni Jesus: “Hindi ako naparito para sa matuwid kundi para sa mga makasalanan.” “At, kung paanong iniibig ako ng Ama, gayon din naman iniibig ko sila.”
To love the unlovable is to love like Jesus. Mahirap ito at masakit ngunit maari itong maging bukal ng kagalakan. Hindi natin ito magagawa sa ganang atin. Ngunit sa biyaya ng Diyos magagawa natin ang lahat. Kaya’t manalangin tayo: Banal na Espiritu, hayaan mong sunugin ng iyong banal na apoy ang katigasan ng aming puso upang magpatawad kami at manatili sa pag-ibig ni Hesus. Amen.