Gawa 14:5-18 – Slm 115 – Jn 14:21-26
Jn 14:21-26
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Ang tumutupad sa tinanggap niyang mga kautusan ko, siya ang nagmamahal sa akin. Mamahalin ng aking Ama ang nagmamahal sa akin, at mamahalin ko rin siya at ipakikita ko sa kanya ang aking sarili.”
Sinabi sa kanya ni Judas, hindi ang Iskariote: “Panginoon, paano mangyayaring sa amin mo ipapakita ang iyong sarili at hindi sa mundo?” Sumagot si Jesus at nagwika sa kanya: “Kung may nagmamahal sa akin, isasakatuparan niya ang aking salita at mamahalin siya ng aking Ama at pupuntahan namin siya at sa kanya namin gagawin ang isang panuluyan para sa aming sarili. Ang hindi naman nagmamahal sa akin ay hindi nagsasakatuparan sa mga salita ko. At ang salitang inyong naririnig ay hindi sa akin kundi sa Amang nagpadala sa akin.
“Sinabi ko sa inyo ang mga ito habang kasama pa ninyo ako. Ituturo naman sa inyo ng Tagapagtanggol ang lahat. Siya ang Espiritu Santong ipadadala ng Ama sa ngalan ko, at itututro niya sa inyo ang lahat at ipaaalaala niya sa inyo ang lahat ng sinabi ko sa inyo.”
PAGNINILAY
Ang pagmamahal sa Diyos at pagtupad sa Kanyang mga utos, hindi maaaring paghiwalayin. Dahil pagmamahal din naman ang pinakapuso ng lahat ng kautusan. Sa simpleng paglalarawan, maihahalintulad ito sa ugnayan ng anak sa kanyang mga magulang. Ang anak na hindi sumusunod sa utos ng kanyang mga magulang, lalo na’t kung ang mga ito para sa kanyang kabutihan, hindi maituturing na ganap na nagmamahal sa kanyang mga magulang. Ang pagsunod isang konkretong paraan ng paggalang at pagmamahal sa magulang. Hinihingi ng Diyos ang pagtupad sa Kanyang mga kautusan, hindi para sa Kanyang sarili kundi dahil sa batid Niyang ito ang makabubuti sa atin. Alam ng Diyos na kailangan natin ng mga gabay na magtuturo sa atin ng daan tungo sa ating kaligtasan kung kaya’t ibinigay Niya sa atin ang Kanyang mga kautusan. Mga kapatid, sa araw-araw nating pamumuhay sinisikap ba nating sundin ang kalooban ng Diyos? Sinasangguni ba natin ang Kanyang kalooban sa tuwing nalalagay tayo sa alanganin at kinakailangan natin mamili sa pagitan ng dalawang bagay na parehas mabuti? Ang tunay na nagmamahal handang magsakripisyo para sa minamahal. Sa pagpili natin sa pagitan ng dalawang mabuti, tingnan natin kung ano ang mas malapit sa ating puso, na siya ring kalugod-lugod sa Diyos. Panginoon, papag-alabin Mo po ang Banal na Espiritu sa aking puso, nang magabayan ako sa tamang pagpili at pagdedesisyon. Nawa’y lagi kong maiayon ang aking buhay Sa’yong banal na kalooban. Amen.