Gawa 14:19-28 – Slm 145 – Jn 14:27-31a
Jn 14:27-31a
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo; ibinibigay ko sa inyo ang aking kapayapaan. Hindi tulad ng pagbibigay ng mundo ang pagbibigay ko nito sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong mga puso; huwag kayong matakot. Narinig ninyong sinabi ko sa inyo: ‘Paalis ako pero pabalik ako sa inyo.’ Kung minhal ninyo ako, magagalak sana kayo sa pagpunta ko sa Ama, sapagkat mas dakila sa akin ang Ama.
“Ngunit sinasabi ko na ito ngayon sa inyo bago mangyari, upang maniwala kayo kapag nangyari ito. Hindi ko na kayo kakausapin nang mahaba sapagkat parating na ang pinuno ng mundo. Wala siyang inaari sa akin, ngunit dapat malaman ng mundo na mahal ko ang Ama, at kung anong iniutos sa akin ng Ama, ito mismo ang aking ginagawa.”
PAGNINILAY
Mga kapatid, matapos gampanan ni Jesus ang tungkuling iniatas sa Kanya, panahon na upang bumalik Siya sa Ama. Kaya’t pina-alalahanan ni Jesus ang mga alagad Niya na huwag matakot, ni mabalisa sa Kanyang paglisan kundi magalak pa dahil matagumpay Siyang babalik sa Amang nagsugo sa Kanya. Bilang handog, iniwan ni Jesus sa Kanyang mga alagad ang kapayapaan. Mahalaga ang kapayapaan at kinakailangan ito lalo na ngayon. Ang mga krimen, digmaan at iba pang anyo ng karahasan na nagaganap sa ating mundo at lipunan, ito ang malaking hadlang sa pagkakaroon ng kapayapaan. Papaano nga ba natin masasabi na tayo’y payapa o panatag? Sapat na ba kung maunlad ang ating kabuhayan, nabibili natin ang gusto nating bilhin o nasa maayos tayong kalusugan? Pero di ba lumilipas ang mga ito at may hangganan? Hindi tulad ng kapayapaang nagmumula kay Jesus na nananatili hanggang sa wakas ng panahon. Sinusupil ng kapayapaang ito, lahat ng ating mga takot, pangamba at mga alinlangan sa buhay. Samakatuwid, ito ang kapayapaang naghahatid sa atin tungo sa kaligtasan. Kaya’t lagi natin itong ipaglaban at itaguyod sa ating mga tahanan at sa daigdig. Gawin natin ito bilang tanda ng pagmamahal natin kay Jesus na Siyang pinagmulan at mabuting halimbawa ng kapayapaang sa Diyos lamang matatagpuan. Humingi rin tayo ng banal na pamamatnubay ni Maria na Reyna ng kapayapaan upang lalo tayong maging masigasig sa pagsaksi at sa pagsasabuhay ng kapayapaang inihandog sa atin ng Panginoong Jesu-Kristo.