Daughters of Saint Paul

MAYO 16, 2021– DAKILANG KAPISTAHAN NG PAG-AKYAT NG PANGINOON | Pandaigdigang Araw ng Komunikasyon (B)

EBANGHELYO: Mk 16:15-20

Sinabi ni Hesus sa mga alagad: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang Ebanghelyo sa buong sangkinapal. Maliligtas ang maniniwala at magpapabinyag; hahatulan naman ang di maniniwala. At ito ang mga tandang sasama sa mga maniniwala: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking Pangalan, magsasalita sila sa iba pang mga wika, hahawakan nila ang mga ahas, at hindi sila maaano kung iinom man sila ng may lason. Ipapatong nila ang kanilang kamay sa mga maysakit at gagaling ang mga iyon.” Matapos silang kausapin ng Panginoong Hesus, iniakyat siya sa Langit at lumuklok sa kanan ng Diyos. At umalis sila at nangaral sa lahat ng lugar. Kasama nilang gumagawa ang Panginoon at pinatatatag ang Salita sa tulong ng mga tandang kasama nila.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. Paolo Asprer ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  “Social media capital of the world!” Iyan ang bansag sa Pilipinas ngayon. Ayon sa isang survey, apat na oras at labimpitong minuto araw-araw ang average na panahong ginugugol ng Limampu’t walong (58) porsyento ng mga Pilipinong aktibo sa paggamit ng social media.// Ang iba pa nga sa atin bawat galaw ay kinukunan ng litrato at pino-post. Hindi ba noong araw, bago kumain, ipinapanalangin muna ang pagkain. Ngayon, bago kumain, kinukunan muna ng picture ang pagkain para maipost sa Facebook. May ilan naman na lahat ng sama ng loob ay isinisiwalat sa social media. O kaya’y nang-aaway, o nagkakalat ng tsismis o fake news! Ikaw ba paano mo ginagamit ang social media? Hindi ba nakapagtataka na sa dami ng gadgets at pamamaraan ng komunikasyon mayroon ngayon, laganap pa rin ang hindi-pagkakaunawaan, o mababaw ang ating pakikipagtalastasan.// Ipinagdiriwang natin ngayon ang Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ng Panginoon, gayundin, ang Pandaigdigang Araw ng Komunikasyon. Binibigyang-diin ng Ebanghelyo ni Marcos na ang pagdakila kay Hesus ay hindi katapusan ng kuwentong Kristyano. Ang kanyang gawaing sinimulan ay nagpapatuloy sa kanyang mga alagad at sa ating lahat ngayon na gumagamit ng mga makabagong teknolohiya ng komunikasyon.// Hilingin natin ang biyaya ng Espiritu Santo na tayo ay mag-level-up sa ating komunikasyon sa isa’t isa. Ang mga media ay mga instrumento. Ang pagkatao natin mismo na nagpapahayag ng katotohanan at may malasakit sa kapwa ang epektibong tanda ng Ebanghelyo na dapat ipahayag natin at kauna-unawa sa iba.// Amen.