Daughters of Saint Paul

MAYO 17, 2019 BIYERNES SA IKA-4 NA LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

 

EBANGHELYO: JUAN 14:1-6

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Huwag mabagabag ang inyong mga puso. Manalig kayo sa Diyos, at manalig din kayo sa akin. Maraming silid sa bahay ng aking Ama. Kung hindi’y hindi ko sana sinabi sa inyong: ‘Pupunta ako upang ipaghanda kayo ng lugar.’ At pag pumunta na ako at naipaghanda kayo ng lugar, muli akong darating at dadalhin ko kayo sa akin upang kung saan ako naroon, gayon din naman kayo.

“At alam n’yo ang daan sa pupuntahan ko.” Sinabi sa kanya ni Tomas: “Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Paano namin malalaman ang daan?” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ako siyang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang nakalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”

 

PAGNINILAY:

Sa tuwing dumaraan ako sa mga pagsubok sa buhay, kinukumbinsi ko lagi ang aking sarili: “wala namang ibang daan, iisa lang-ang daan ng krus- ang mga yapak ni Hesus.” Matatapos din ang lahat ng paghihirap dahil sa dulo, mayroong PAGKABUHAY!  Narinig natin sa ebanghelyo ang “honest question” ni Tomas: “Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Paano namin malalaman ang daan?” Marahil, medyo nalungkot ang kalooban ni Hesus. Naisip niya siguro: “sa loob ng ilang taong tayo’y magkasama Tomas, hindi mo pa rin alam?”  Pero, mayroong mas magandang tugon si Hesus: “Ako ang siyang Daan, Katotohanan at Buhay. Walang nakalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”  Mga Kapanalig, sabi nga ni Hesus, tayo’y tinuring niyang ‘di alipin, dahil tayo’y kanyang KAIBIGAN. At bilang isang kaibigan, marapatin nawa nating kilalanin pa siya ng malalim. Paano? Muli nating pagmasdan at pagnilayan ang kanyang dinaanan – ang daan ng Krus. Dahil ‘di lamang sa salita niya ipinahayag ang daan ng krus, Siya mismo ang dumaan, nakiramay at nagbigay ng direksiyon sa kung ano mang dapat nating pagdaanan. Marapat na handa tayong masaktan, madapa, masubsob sa mga dagok ng buhay; pero kung tayo’y nakatitig sa ating paroroonan at kung tayo’y tunay na nanalig at nagmamahal kay Hesus, makikita natin ang liwanag, mayroong buhay!  Ito marahil ang hamon sa atin ng ebanghelyo, patuloy nawa nating kumbinsihin ang ating mga sarili: “wala namang ibang daan Si Hesus lamang, ang daan upang masumpungan natin ang Katotohanan at tuluyang magkamit ng BUHAY kapiling ang Ama nating nasa langit. Amen.”  Cl. Vinz Aurellano, SSP