Daughters of Saint Paul

MAYO 17, 2021– LUNES SA IKA-7 LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Jn 16:29-33

Sinabi ng mga alagad kay Hesus: “Talaga, tahasan ka nang nangungusap ngayon, at hindi na sa paghahambing nagsasalita. Alam na namin ngayon na alam mo ang lahat at hindi mo kailangang may magtanong pa sa iyo. Dahil dito kaya kami naniniwala na sa Diyos ka galing.” Sumagot sa kanila si Hesus: “Naniniwala ba kayo ngayon? Narito’t parating ang oras at sumapit na upang mangalat kayo—ang bawat isa sa kanya-kanyang sarili—at ako naman ay iiwan n’yong nag-iisa. Ngunit hindi ako nag-iisa sapagkat kasama ko ang Ama. “Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang sa akin kayo magkaroon ng kapayapaan. Nagdadalamhati kayo sa mundo subalit lakasan n’yo ang loob, nagtagumpay ako sa mundo.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Reajoy San Luis ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Bakit mas madaling magpadala sa takot kaysa magtiwala sa Diyos?  Noong muling deneklara ang lockdown, at community quarantine sa iba’t ibang lungsod at probinsya dahil sa mabilis ulit na pagdami ng mga nag positibo sa Covid – hindi natin maiwasan ang muling makaramdam ng takot.  Hindi lang na baka mahawaan — kundi para sa lahat na umaasa sa pang- araw araw na kita… takot na wala nang mapagkukuhanan ng pambili ng pagkain at sa iba pang pangangailangan. Takot na muling magkahiwa-hiwalay sa mga hindi makakauwi para makasama ang kanilang mahal sa buhay at siyempre, natural na takot na mamatay at mawalan ng mahal sa buhay. Mahigit isang taon na, pero tila wala pa ring kasiguruhan ang lahat. Ito ang realidad natin ngayon na kahit may takot sa ating mga puso, pero kailangan nating harapin. Katulad din ng mabuting balita natin ngayon, mga kapatid — hindi ni Hesus ikinaila na darating ang panahon na ang mga sumusunod sa kanya ay hindi magiging madali ang buhay… may mga pagsubok silang mararanasan. Pero sinasabi rin ni Hesus sa atin na kahit kailan ay hindi natin ito hinarap na hindi siya kasama. Kahit may takot pa rin sa ating mga puso, gamitin natin itong pagkakataong mapalapit at mapagtibay lalo ang pananampalataya natin sa sa Diyos. Wag din tayong mawalan ng pag-asa lalo pa’t patuloy pa rin tayong nasusubok ng pandemya sa kasalukuyan. Sinanabi na niya sa atin ito para maging payapa ang ating mga puso— Kaya mga kapatid, sa araw na ito hilingin natin ang biyaya ng isang matibay na pananampalataya at kapayapaan sa ating mga puso, dahil kay Hesus, wala tayong dapat ipangamba.