Daughters of Saint Paul

Mayo 17, 2024 – Biyernes Ika-7 Linggo ng Pasko Pagkabuhay | San Pascual Baylon

BAGONG UMAGA

Magandang araw ng Biyernes, mga kapatid/kapanalig! Maligayang kapistahan po ni San Pascual Baylon. Ito pong muli si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan po natin ang Ebanghelyo ayon kay San Juan kabanata dalawampu’t isa, talata labinlima hanggang labing-siyam. 

Ebanghelyo: Jn 21:15-19

Nang makapag-almusal na si Jesus at ang kanyang mga alagad, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro: “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako nang higit pa sa mga ito?” Sinabi nito sa kanya: “Oo, Panginoon, ikaw ang nakaaalam na iniibig kita.” Sinabi sa kanya: “Pakanin ang aking mga kordero.” Sinabi sa kanyang makalawa: “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Sinabi nito sa kanya: “Oo, Panginoon, ikaw ang nakaaalam na iniibig kita.” Sinabi sa kanya: “Oo, Panginoon, ikaw ang nakaaalam na iniibig kita.” Sinabi sa kanya: “Akayin mo ang aking mga tupa.” Sinabi sa kanyang makaitlo: “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Nalungkot na si Pedro dahil makaitlo siyang tinanong: “Iniibig mo ba ako?” kaya sinabi niya: “Panginoon, ikaw ang nakaaalam ng lahat; alam mong iniibig kita.” Sinabi nito sa kanya: “Pakanin mo ang aking mga tupa. “Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, nang bata-bata ka pa, nagbibigkis ka sa iyong sarili at palakad-lakad ka saan mo man loobin. Ngunit pagtanda mo’y ididipa mo naman ang mga kamay mo, at iba ang magbibigkis sa iyo at magdadala sa ayaw mo.” Tinukoy naman ito ni Jesus bilang pananda sa paraan ng kamatayang ipanluluwalhati ni Pedro sa Diyos. At pagkatapos nito ay sinabi niya: “Sumunod ka sa akin!”

Pagninilay: 

Isinulat po ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.

Sa ating Mabuting Balita ngayon, tinanong ni Hesus si Pedro ng makaikatlong beses kung iniibig Siya ni Pedro. Narinig natin na ang pagtatanong ng Panginoong Hesus ay may progreso. Sa una, winika Niya na pakanin ni Pedro ang Kanyang maliliit na tupa, na sa aking personal na pagkaunawa ay yaong mga bata at balo. Ang ikalawa at ikatlo ay winika ng Panginoong Hesus na pakanin ang malalaking tupa na maaaring yaong mga naunang taga sunod ni Hesus. Subalit sa pangkalahatan, ang maliliit na tinutukoy ay yaong mga sumasampalataya at nanalig sa ating Panginoong Hesus. Mga kapanalig, ipinapakita lamang sa pagbasa na kay Pedro ipapaubaya ni Hesus ang pangangalaga ng Simbahang itinatag Niya. Bilang kauna-unahang Santo Papa, ipinagkatiwala kay Pedro ang mga susi ng kaharian ng langit. Napakalaki ng responsabilidad ng mga sumunod sa kanya, na ngayon ay sa katauhan ni Santo Papa Francisco. Ipanalangin natin siya at ang mga obispo, pari, diyakono na mga lingkod ng ating Simbahan. Amen.