Daughters of Saint Paul

Mayo 18, 2018 Biyernes sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay / San Juan I, papa at martir

JUAN 21:15-19

Nang makapag-almusal na si Jesus at ang kanyang mga alagad, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro: “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako nang higit pa sa mga ito?” Sinabi nito sa kanya: “Oo, Panginoon, ikaw ang nakaaalam na iniibig kita.” Sinabi sa kanya: “Pakanin ang aking mga kordero.” Sinabi sa kanyang makalawa: “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Sinabi nito sa kanya: “Oo, Panginoon, ikaw ang nakaaalam na iniibig kita.” Sinabi sa kanya: “Oo, Panginoon, ikaw ang nakaaalam na iniibig kita.” Sinabi sa kanya: “Akayin mo ang aking mga tupa.” Sinabi sa kanyang makaitlo: “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Nalungkot na si Pedro dahil makaitlo siyang tinanong: “Iniibig mo ba ako?” kaya sinabi niya: “Panginoon, ikaw ang nakaaalam ng lahat; alam mong iniibig kita.” Sinabi nito sa kanya: “Pakanin mo ang aking mga tupa. “Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, nang bata-bata ka pa, nagbibigkis ka sa iyong sarili at palakad-lakad ka saan mo man loobin. Ngunit pagtanda mo’y ididipa mo naman ang mga kamay mo, at iba ang magbibigkis sa iyo at magdadala sa ayaw mo.” Tinukoy naman ito ni Jesus bilang pananda sa paraan ng kamatayang ipanluluwalhati ni Pedro sa Diyos. At pagkatapos nito ay sinabi niya: “Sumunod ka sa akin!”

PAGNINILAY:

Ipinagdiriwang natin ngayon ang kapistahan ni San Juan I, papa at martir. Hindi siya masyadong kilala pero may isang papa at santo na nagdiriwang ng kapanganakan ngayong araw na ito: si Santo Juan Pablo II. Ang relic po ng kanyang dugo ay nasa Manila Cathedral at pwede pong pumunta ang publiko para mag-venerate sa relic at manalangin kay Santo Juan Pablo II ngayon hanggang sa Linggo.  Nabigyan po ako ng pagkakataong makadaupang palad si Papa Juan Pablo II sa Roma. Nag-ensayo po ako ng sasabihin at talagang inihanda ko ang aking sarili bago dumating ang araw ng audience. Pero noong lumuhod na po ako sa harapan niya para humingi ng bendisyon, para po akong binalutan ng kung anong aura – hindi po ako maka-imik – natulala po ako dahil damang-dama ko ang presensiya ng Diyos sa harap ko. Narinig ko na lang na binubulong ng isang pari sa Papa ang pangalan ko at kung taga-saan ako. Pagkadinig ni Pope John Paul ng Philippines, sabi niya: "Ah, Philippines! I love the Philippines!" Pagkatapos ay iniabot niya ang isang rosaryo at binendisyonan niya ako.  Tinanong ni Jesus si Pedro ng tatlong beses: "Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?" Nagpakita si Pope John Paul II, tulad ni Pedro, ng pagmamahal niya hindi lang sa Pilipinas at sa sambayanang Pilipino, kundi sa buong santinakpan sa paggabay niya sa atin gaya ng isang mabuting pastol. Ikaw, kapanalig, kung tatanungin ka ni Jesus: "Mahal mo ba ako?" Ano ang isasagot mo?