Daughters of Saint Paul

MAYO 18, 2021– MARTES SA IKA-7 LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Jn 17:1-11

Tumingala si Hesus sa Langit at nagsalita: “Ama, sumapit na ang oras. Luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang makaluwalhati sa iyo ang Anak; ipinagkaloob mo nga sa kanya ang kapangyarihan sa bawat tao at gusto mong pagkalooban niya ng walang hanggang buhay ang lahat ng bigay mo sa kanya. Ito naman ang buhay na walang hanggan: ang kilalalanin ka, ang tanging totoong Diyos at ang sinugo mong si Hesucristo. Niluwalhati kita sa lupa, ginanap ko ang trabahong ipinagawa mo sa akin. At ngayon, luwalhatiin mo ako, Ama, at ibigay sa akin na katabi mo ang luwalhating akin sa tabi mo bago pa man nagkaroon ang mundo. Ipinahayag ko ang pangalan mo sa mga taong kinuha mo sa mundo at ipinagkaloob sa akin. Iyo sila at sa akin mo sila ipinagkaloob, at tinupad nila ang iyong salita. At nakilala na nila na sa iyo galing ang lahat ng ipinagkaloob mo sa akin. Talaga, ipinagkaloob ko sa kanila ang mga salitang ipinagkaloob mo sa akin, at tinanggap nila at kinilalang tunay na sa iyo ako galing, at naniwala sila na ikaw ang nagsugo sa akin.  “Ipinagdarasal ko sila. Hindi ang mundo ang ipinagdarasal ko kundi ang mga ipinagkaloob mo sa akin dahil iyo sila. Iyo ang lahat sa akin, at akin din naman ang sa iyo, at naluwalhati ako sa kanila. Wala na ako sa mundo, ngunit nasa mundo pa sila habang papunta ako sa iyo. Amang Banal, ingatan mo sila sa Ngalan mo na ipinagkaloob mo sa akin, upang maging isa sila gaya natin.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Nimfa Ebora ng Pious Disciples of the Divine Master o PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo.  (Gusto nating lahat na maayos ang takbo ng ating pamumuhay. Gusto nating maayos ang lahat sa ating pamilya, sa ating trabaho, sa ating kalusugan, at ganon din sa ating buhay pananampalataya. Alam natin ang nagagawa ng dasal para maging maayos ang mga bagay-bagay sa buhay natin. Kaya naman naglalaan tayo ng panahon para man lang manahimik o kaya’y makapunta sa isang lugar/ kung saan pwede tayong makapagdasal. Importante din ang dasal ng iba para sa atin. Kaya nga madalas sinasabi natin, “Kaibigan, padasal naman… ipagdasal mo rin sana ako/ para sa aking mga kahilingan sa Panginoon.”// Pero alam mo ba na si Hesus mismo ay nagdadasal para sa atin? Oo, tama ang narinig mo, kapatid. Ipinagdarasal tayo ni Hesus.//) Sa ating mabuting balita ngayon, pinapupurihan ni Hesus ang Ama dahil nagawa na nya ang kanyang misyon. Binigyang parangal niya ang Ama sa pamamagitan ng masunurin niyang pagtupad sa kanyang kalooban. At dahil dito, pararangalan din ng Ama ang kanyang anak na si Hesus ng luwalhati/ na nasa kanya na kahit sa simula pa man ng mundo.   Isa itong mabuting paalala sa atin/ na pinaparangalan natin ang Ama sa tuwing ginagawa natin ang kanyang kalooban. Ang pagiging masunurin ang pinakamataas na anyo ng pagpupuri sa Panginoon. Ibig sabihin, oo, magandang umaawit tayo ng papuri sa Diyos at bumibigkas tayo ng mga dasal ng papuri, pero ang pinakamakahulugang papuri/ ay ang buhay natin mismo. Mas tunay ang ating papuri sa Diyos kung isinasabuhay natin ang mga utos niya at sumusunod tayo sa kanyang kalooban.// (Kaya nga sa nalalapit na pag-alis ni Hesus, nag-alay sya ng panalangin para sa kanyang mga kaibigan at mga tagasunod. Alam kasi ni Hesus na hindi madali ang sumunod lagi sa kalooban ng Ama, kaya nga ipinagdarasal niya tayo. O hindi ba napakaswerte natin dahil si Hesus mismo ang nananalangin para sa atin. Kaya, mga kapatid, dahil alam natin na pinagdarasal tayo ni Hesus at kasama natin siya sa ating paglalakbay papunta sa Ama, hwag sanang manghina ang ating loob. Dahil andyan si Hesus na laging naka-alalay sa atin. Amen.)