BAGONG UMAGA
Magandang araw ng Sabado, mga kapatid/kapanalig! Maligayang kapistahan po ni San Juan I, papa at martir. Ito pong muli si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan po natin ang Ebanghelyo ayon kay San Juan kabanata dalawampu’t isa, talata dalawampu hanggang dalawampu’t lima.
Ebanghelyo: Jn 21:20-25
Paglingon ni Pedro, nakita niya na sumusunod ang alagad na mahal ni Jesus, ang humilig sa dibdib niya noong hapunan at nagtanong: “Panginoon, sino ba ang magkakanulo sa iyo?” Kaya pagkakita rito ni Pedro, sinabi niya kay Jesus: “Panginoon, ano naman ang mangyayari sa kanya?” Sinabi ni Jesus: “Kung loobin ko siyang manatili hanggang ako’y pumarito, anong pakialam mo? Sumunod ka sa akin!” Dahil dito’y may lumalaganap na paniwala sa mga kapatid na hindi mamamatay ang alagad na ito pero hindi naman sinabi ni Jesus: “Hindi mamamatay” kundi “kung loobin ko siyang manatili hanggang sa aking pagdating.” Ito ang alagad na nagpapatunay tungkol sa mga bagay na ito at sumulat ng mga ito. Alam namin na totoo ang kanyang pagpapatunay. Marami pang ibang ginawa si Jesus, na kung masusulat ang mga iyon nang isa-isa, sa tantiya ko’y di magkakasya sa mundo ang mga isusulat na mga aklat.
Pagninilay:
“Sumunod ka sa akin.” Lumingon si Pedro habang sumusunod kay Jesus at nakita niya ang alagad na minamahal na sumusunod din. Kaya’t tinanong niya si Jesus, “Panginoon, ano naman ang mangyayari sa kanya?” Kahit pala Santo ay usisero din si Pedro! Hindi ba madalas, ganyan tayo? Gusto nating malaman kung ano ang meron sa iba. Kahit na alam nating marami tayong biyayang natatanggap, hindi pa rin tayo nakukuntento dahil inihahambing natin ang sarili sa ibang tao. “Eh, bakit siya may ganito at ganoon?” Minsan naman, dahil sa tinitingnan natin ang iba, hindi na natin napapansin ang mga biyaya at grasya na meron na tayo. Kaya hindi na tayo nakapagpapasalamat! Sinabihan ni Jesus si Pedro na gawin kung ano ang kanyang dapat gampanan at huwag nang intindihin pa ang kapalaran o mangyayari kay Juan. Pinaaalalahanan din tayo, na may papel na dapat gampanan ang bawat isa sa atin. Ang mahalaga’y magawa natin iyon nang lubos, sa abot ng ating makakaya. Ikaw ba ang pastol at tagapamuno katulad ni Pedro? O katulad ka ba ng minamahal na alagad na si Juan na nagsulat ng ebanghelyo at nagpatotoo kay Jesus sa pamamagitan ng buhay niya? Anuman ang iyong papel, ang mahalaga’y magawa mo ito nang may pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Tinatawag ka rin ni Jesus, kapatid/kapanalig. Handa ka na bang sumunod sa tawag niya tulad ni Pedro at Juan?