Daughters of Saint Paul

MAYO 19, 2019 IKALIMANG LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY (K)

EBANGHELYO: JUAN13:31-33, 34-35

Pagkalabas ni Judas, sinabi ni Jesus sa Labindalawa: “Niluwalhati na ngayon ang Anak ng Tao, at niluwalhati rin sa kanya ang Diyos. At luluwalhatiin sa kanya ang Diyos, at agad niya siyanf luluwalhatiin sa kanya ang Diyos, at agad niya siyang luluwalhatiin.

“Mga munting anak, sandal na laman n’yo akong kasama. Isang bagong utos ang ibinigay ko sa inyo: magmahalan kayo! Gaya ng pagmamahalan ko sa inyo, gayundin kayo magmahalan. Sa ganito makikilala ng lahat na mga alagad ko kayo, kung may pagmamahal kayo sa isa’t isa.”

 

PAGNINILAY:

Noong minsa’y sinubok si Hesus ng isang guro ng batas, tinanong siya: “Guro, ano ba ang pinaka-dakilang utos? Sumagot siya: “Una, mahalin mo ang Diyos ng buong puso, isip at kaluluwa. Ikalawa, mahalin mo ang iyong kapwa tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.”  Ito ang buod ng sampung utos na marahil memorize nating lahat.  Madaling sabihin, mahirap gawin; pero hindi imposible sa tulong ng Diyos.  Sa ating Ebanghelyo ngayon, nagbigay si Hesus ng isang bagong utos. Ito’y kanyang habilin noong siya’y nasa huling hapunan kasama ang kanyang mga apostol: “Ito ang atas ko sa inyo, magmahalan kayo, tulad ng pagmamahal ko sa inyo.”  Mga kapanalig, pagmamahal ang tatak ng tunay na Kristiyano.  Pagmamahal hindi lang sa mga taong karapat-dapat mahalin, dahil sila’y mabait; kundi maging sa mga taong di karapatdapat mahalin.  Yung mga taong itinuturing nating nega, kontrabida at nagdudulot sa atin ng sama ng loob.  Sila ang mga taong tinatawagan tayo ng Diyos na mahalin.  Hindi madali, pero hindi imposible sa tulong ng Diyos.  Lagi nating sinasambit, hindi imposible, sa tulong ng Diyos, dahil iyon ang totoo.  Sa tulong ng Diyos, kakayanin nating tanggapin at mahalin ang mga taong hindi kaibig-ibig, dahil sa kanilang gawi at pag-uugali.  Dahil ANG DIYOS AY PAG-IBIG. Ang Diyos nawa ang maging huwaran natin sa tunay na pagmamahal sa kapwa. Siya na nag-alay ng buhay sa ating mga hindi din karapat dapat mahalin dahil sa ating paulit-ulit na pagkakasala. Panginoon, turuan Mo po akong magmahal katulad ng pagmamahal mo sa akin. Maging mukha nawa ako ng Iyong pag-ibig sa aking kapwa lalo na sa higit na nangangailangan ng iyong habag at pagkalinga.  Amen. –  Vinz Aurellano, SSP