EBANGHELYO: Jn 17:20-26
Tumingala si Hesus sa Langit at nagsalita: “Hindi sila lamang ang aking ipinagdarasal kundi pati ang mga naniniwala sa akin sa pamamagitan ng salita nila. Maging iisa sana silang lahat kung paanong nasa akin ka, Ama, at nasa iyo ako. Mapasaatin din nawa sila upang maniwala ang mundo na ikaw nga ang nagsugo sa akin. Ipinagkaloob ko naman sa kanila ang luwalhating ipinagkaloob mo sa akin upang maging isa sila gaya nang tayo ay iisa: ako sa kanila at ikaw sa akin. Kaya malulubos sila sa kaisahan, at kikilanlin ng mundo na ikaw ang nagsugo sa akin at nagmahal ako sa kanila gaya ng pagmamahal mo sa akin. Ama, sila ang ipinagkaloob mo sa akin kaya niloloob ko na kung nasaan ako’y makasama ko rin sila at makita nila ang kaluwalhatian kong kaloob mo sa akin sapagkat minahal mo ako bago pa man nagkaroon ng mundo. Makatarungang Ama, hindi kumilala sa iyo ang mundo; kumilala naman ako sa iyo at kinilala rin ng mga ito na ikaw ang nagsugo sa akin. Ipinahahayag ko sa kanila ang Pangalan mo at ihahayag pa upang mapasakanila ang pagmamahal mo sa akin at ako rin ay mapasakanila.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Marissa Manigbas ng Institute of Our Lady of Annunciation o IOLA ang pagninilay sa ebanghelyo. Ano ang reaction mo pag may nagsabi sa ‘yo na “Pinagdasal kita” o kaya “sinama ko ang intensions mo sa prayer ko”. Masaya, di ba? At lubos ang pasasalamat natin sa taong nagdasal para sa atin! Paano pa kaya kapag si Hesus na ang nagdasal para sa atin? Syempre, Sobrang saya! Sa ating Mabuting Balita, nanalangin si Hesus hindi lamang para sa kanyang mga alagad, kundi sa mga naniniwala sa kanya. At kasama ako, ikaw, tayo sa kanyang panalangin. Ninanais N’ya na magkaisa ang mga mananampalataya, katulad ng pagiging isa nila ng Ama. Alalahanin natin na ang panalangin ni Hesus ay noong bago pa S’ya hulihin at ipako sa krus. Sa pamamagitan ng panalangin, inihabilin ni Hesus ang kanyang mga alagad at ang mga naniniwala sa kanya sa Ama, dahil alam N’ya na kakailanganin nila ang lakas para mapagtagumpayan ang misyong itinalaga N’ya sa kanila. Mga kapatid, napakahalaga ng “Panalangin”, hindi mo masasabi na mahal mo ang Diyos kung hindi ka nagdarasal. Ang panalangin ay hindi lamang para ating mithiin, kundi ito ay pagpapakita ng kababaang loob sa Diyos na lumikha. Ito rin ang paraan ng pakikipag-isa natin sa Diyos. Nagdasal ka na ba? Pinagdarasal mo ba ang iba? Tandaan kahit si Hesus na Anak ng Diyos ay nanalangin para sa atin. Amen.