BAGONG UMAGA
Mapagpalang araw ng Lunes mga kapatid/kapanalig! Ipinagdiriwang po natin ngayon ang kapistahan ng Mahal na Birheng Maria, Ina ng Sambayanan. Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Atin nang pagnilayan ang Ebanghelyo ayon kay San Juan kabanata labing-siyam, talata dalawampu’t lima hanggang tatlumpu’t apat.
Ebanghelyo: Jn 19:25-34
Nangakatayo sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae ng ina niya, si Mariang asawa ni Cleofas at si Maria Magdalena. Kaya pagkakita ni Jesus sa ina at sa kanyang mahal na alagad na nakatayo sa tabi, sinabi niya sa ina: “Babae, hayan ang anak mo!” Pagkatapos ay sinabi naman niya sa alagad: “Hayan ang iyong ina.” At mula sa oras na iyo’y tinanggap siya ng alagad sa kanila. Pagkaraan nito, nakita ni Jesus na natupad na ang lahat. Ngunit kailangang maganap ang isa pang kasulatan, at sinabi niya: “Nauuhaw ako!” May sisidlan naman doon na puno ng mapait na alak. Kaya ikinabit nila sa isopo ang esponghang ibinabad sa alak at idiniit nila sa kanyang bibig. Pagkasipsip ni Jesus ng alak, sinabi niya: “Natupad na!” At pagkayuko ng ulo, ibinigay niya ang espiritu. Ayaw ng mga Judio na manatili sa krus ang mga bangkay sa Araw ng Pahinga. Paghahanda ng Paskuwa noon, kaya mas dakila pa ang araw na iyon ng Pahinga. At hiniling nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nasa krus at saka alisin ang mga bangkay. Kaya pumaroon ang mga sundalo. Binali nila ang mga binti ng una at pati ng ikalawa na kasama niyang ipinako sa krus. Pagsapit naman nila kay Jesus, nakita nilang patay na siya kaya hindi nila binali ang kanyang mga binti. Gayunma’y sinibat ng isa sa mga sundalo ang kanyang tagiliran at umagos ang dugo at tubig.
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Sr. Gemmaria Dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Naroon si Maria sa paanan ng Krus, nakiramay siya sa sidhi ng pagdurusa ng kanyang Anak. Habang nakikiisa siya sa matinding sákit, lalong naging marubdob ang kanyang pakikinig sa bawat binibigkas ng Kanyang Anak. “Ginang, narito ang iyong anak… Narito ang iyong ina.” Isang pag-atas ang narinig niya. Atas ng paglingap. Sa paglingap ni Maria sa mga apostol, debosyon naman sa kanya ang inaasahan sa kanila. Doon nagsimula ang special bond ng mga apostol sa ating Inang Maria. Noon at ngayon, tapat na nakikiramay at nakikilakbay siya sa atin. Tayo naman na hinirang bilang Katawan ng kanyang Anak, sino tayo para hindi maging tapat sa kanya? Sa pahayag ni Pope Francis ngayong Taon ng Panalangin, inaanyayahan tayong manahimik tulad ni Maria at pagnilayan ang kahulugan ng kasaysayan ng kaligtasan. Sa ganitong paraan, lalalim at lalawak ang pagtanggap natin sa ating misyon bilang Simbahan sa tulong at panalangin ng ating Banal na Ina.