Daughters of Saint Paul

Mayo 21, 2018 Lunes sa Ika-7 Linggo ng Taon

MARCOS 9:14-29

Pagbalik nina Jesus, Pedro, Jaime, at Juan sa mga alagad, nakita nilang napakaraming tao ang nakapalibot sa kanila at nakikipagtalo naman sa kanila ang mga guro ng Batas… Itinanong naman niya sa kanila: “Bakit kayo nakikipagtalo sa mga ito? “At sinagot siya ng isang lalaki mula sa mga tao: “Guro, dinala ko sa iyo ang aking anak na lalaki na inaalihan ng isang piping espiritu…Tinanong naman ni Jesus ang ama: “Gaano na katagal na nangyayari ito sa kanya?” At sumagot ang ama: “Sapul pa sa pagkabata at madalas nga siyang inihahagis sa apoy o sa batis para patayin. Ngunit kung kaya mo, maawa ka sa amin, at pakitulungan kami.” Sinagot siya ni Jesus: “Ano itong 'kung kaya mo'? Lahat ay posible sa sumasampalataya.” at agad na sumigaw ang ama ng bata sa pagsasabing “Sumasampalataya ako pero tulungan mo ang kaunti kong pananampalataya.” Nakita ni Jesus na nagsisitakbo at lumalapit na ang mga tao kaya iniutos niya sa masamang espiritu: “Pipi at binging espiritu, iniutusan kitang lumabas sa kanya at huwag nang bumalik.” Nagsisigaw ang espiritu at nilugmok sa lupa ang bata bago lumabas… Ngunit pagkahawak ni Jesus sa kamay nito, pinabangon niya ito at pinatindig. Pagkapasok ni Jesus sa bahay, tinanong siya ng mga alagad ng sarilinan:” “Bakit hindi namin napalayas ang espiritu?” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Sa panalangin lamang mapapalayas ang ganitong espiritu.”

PAGNINILAY:

Hanggang sa kasalukuyang panahon, lalo na sa mga probinsya, patuloy pa ring naririnig ang mga taguring nabales, nausog, nakulam, naengkanto, namatanda, at marami pang ibang sakit na ipinapalagay na dulot ng masamang espiritu. At napakarami pa rin ang mga naniniwala sa albularyo lalo na’t kinakapos na sa budget o kayaý wala nang maibigay na lunas ang mga doktor. Dalawang mahalagang aral ang itinuturo ni Jesus sa pagbasa ngayon. Una, na lahat ay posible sa sumasampalataya. Wala sa bokabularyo niya ang mga salitang “kung kaya mo,” na nagpapahiwatig ng kawalang-tiwala at kawalang-pag-asa; at ikalawa, tanging ang dasal lamang ang makakapagpalayas sa masamang espiritu gaya ng pinatibayan niya sa mga alagad.  O, mahal na Panginoon, dagdagan mo po ang mahina at kakaunti naming pananampalataya lalo na sa mga sandali ng pagsubok, Amen.