Daughters of Saint Paul

Mayo 21, 2024 – Martes sa Ika-7 Linggo ng Taon   

BAGONG UMAGA

Mapagpalang araw ng Martes mga kapatid/kapanalig! Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Atin nang pagnilayan ang Ebanghelyo ayon kay San Marcos kabanata siyam, talata tatlumpu hanggang tatlumpu’t pito.

Ebanghelyo: Mc 9:30-37

Umalis sa bundok si Jesus at ang kanyang mga alagad at nagsimulang dumaan sa Galilea. Gusto niya na walang sinumang makaalam sapagkat tinuturuan niya ang kanyang mga alagad. At sinabi niya sa kanila: “Ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao. Papatayin nila siya ngunit pagkapatay nila sa kanya, babangon siya sa ikatlong araw.” Kaya lubha silang nalungkot. Hindi nila ito naintindihan at hindi rin sila nangahas magtanong sa kanya. Pagdating nila sa Capernaum, nang nasa bahay na siya, tinanong niya sila: “Ano ang pinag-uusapan n’yo sa daan?” At hindi sila umimik; pinagtatalunan nga nila sa daan kung sino ang mas una. Kaya naupo siya at pagkatawag sa Labindalawa ay sinabi sa kanila: “Kung may gustong mauna, maging huli siya sa lahat at lingkod ng lahat.” At pagkakuha niya sa isang maliit na bata, pinatayo ito sa gitna nila at inakbayan at saka sinabi sa kanila: “Tinatanggap ako ng sinumang tumatanggap sa isa sa mga batang ito nang dahil sa aking pangalan. At kung may tumatanggap sa akin, tinatanggap din niya ang nagsugo sa akin.”

Pagninilay:

Isinulat po ni Bro. Russel Patolot ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.

Bahagi na ng buhay pamilya ang pag-aaway ng mga magkakapatid o sibling rivalry. Ang nakakagulat ay madalas, nagmumula ito sa pinakamaliliit na dahilan. Isa sa mga laging pinag-aawayan ng magkapatid ay kung sino ang nakatokang maghugas ng pinggan. Minsan, humahantong ito sa tampuhan dahil tila naaalila ang isa sa kanila at ‘di nila nakikita ito bilang pagkakataong makatulong at makapaglingkod sa pamilya. Tulad ng mga bata, nagtalo ang mga alagad kung sino ang pinakadakila sa kanila. Hindi nila lubos na naunawaan na ang tunay na kadakilaan ay makikita sa kahandaang maglingkod, katulad ng kahandaan ni Hesus na yakapin ang kamatayan at muling pagkabuhay para sa ating kaligtasan. Ganyan ang kadakilaan sa mata ng Diyos: ang paglalaan ng sarili sa kapwa alang-alang sa pag-ibig. Mga kapanalig, hindi tayo dapat maging isip-bata sa ating pagpiling magmahal. Sa katunayan, inaanyayahan tayo ni Hesus na buksan ang ating mga bisig sa paglilingkod, katulad ng kanyang ginawa sa krus – mga kamay at bisig na bukas at handang yakapin ang lahat, lalo na ang hindi kaibig-ibig sa atin. Sa mga pagkakataong hindi natin mapiling magmahal at maglingkod, lagi tayong bumalik sa mukha ng pag-ibig: si Kristo Hesus na nakabayubay sa krus.