Ebanghelyo: Juan 15:1-8
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Ako ang totoong puno ng ubas at ang Ama ko ang magsasaka. Pinuputol niya ang bawat sangang hindi namumunga sa akin; at pinupungusan naman niya’t nililinisan ang bawat namumunga upang higit pang mamunga. Malinis na kayo dahil sa wikang binigkas ko sa inyo. Manatili kayo sa akin, ako naman sa inyo. Hindi makapamumunga ang sanga mula sa ganang sarili, malibang manatili ito sa puno ng ubas; gayundin naman, hindi kayo makapamumunga malibang manatili kayo sa akin. Ako ang punong ubas, kayo ang mga sanga. Kung may nananatili sa akin at ako naman sa kanya, namumunga siya ng sagana; ngunit kung hiwalay sa akin ay hindi ninyo kayang gumawa ng anuman. Kung may di nananatili sa akin, itatapon siya sa labas gaya ng sangang natuyo, na tinitipon at iginagatong sa apoy at nagliliyab. Kung mananatili kayo sa akin at mananatili naman sa inyo ang aking mga salita, hilingin ninyo ang anumang loobin ninyo at gagawin ko para sa inyo. Sa ganito pararangalan ang aking Ama: kapag namunga kayo nang sagana at naging mga alagad ko.”
Pagninilay:
“Ikaluluwalhati ng aking Ama na kayo ay mamunga nang sagana,” subalit mangyayari lamang ito kung mananatili tayo kay Jesus at Siya sa atin. Sabi nga ni Jesus sa v. 5, “Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga”. Paano nga naman mamumunga ang sanga kung hindi na ito nakakapit sa puno. Matutuyo na lang ito at itatapon. Ganito kadaling patayin ang baging na kumakapit sa ating mga halaman. Hanapin nyo ang pinakapuno at putulin ito, kusa nang malalanta ang ang mga dahon at sanga nito. Ganito rin ang ating buhay espiritwal. Magiging mabunga lamang ang ating mga gawain kung mananatili tayong nakakapit sa Diyos. Kahit dumanas pa tayo ng mga pagsubok sa buhay, mananatili tayong tapat at nakatindig sa tulong ng grasya ng Diyos. Kahit kung minsan napakalakas ng tukso ng katanyagan at kayamanan, hindi tayo nito maigugupo dahil lagi tayong papaalalahanan at lilinisin ng Diyos. Kaya kapanalig, huwag kang magtaka kung bakit dumaranas pa rin tayo ng mga pagsubok kahit naglilingkod sa Diyos. Nililinis lang tayo upang higit na maging mabunga.Additional: Bakit nga pala may mga taong napakabuti sa umpisa ng paglilingkod subalit kalaunan ay nalulunod sa pera at katanyagan? May mga lingkod-bayan na maayos naman sana ang plataporma sa panahon ng kampanya. Pero nang manalo at tumagal na sa pwesto ay naging buwaya at pahirap sa taong bayan. Kapanalig, ito ang sinasabi ni Jesus. Mamumunga lamang tayo nang masagana kung mananatili tayo sa kanya at siya sa atin. Kapag humiwalay tayo sa kanya, tiyak na tatalunin tayo ng tukso at kamunduhan.