Daughters of Saint Paul

Mayo 22, 2025 – Huwebes | Ika-5 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Ebanghelyo:  Juan 15:9-11

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Katulad ng pagmamahal sa akin ng Ama, gayundin naman ang pagmamahal ko sa inyo. Manatili kayo sa pagmamahal ko. Kung tutuparin ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa pagmamahal ko katulad ng pagtupad ko sa mga utos ng aking Ama at ng pananatili ko sa kanyang pagmamahal. Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang mapasainyo ang kagalakan ko, at maging ganap ang galak ninyo.”

Pagninilay:Ano ba ang tunay na kaligayahan? Hindi ‘yung pansamantalang saya mula sa mga likes o gimmick, o regalo. Pero ‘yung malalim at matatag na kasiyahan na nagmumula sa pag-ibig ng Diyos. Ito ang sinasabi ni Hesus sa Mabuting Balita ngayon: “Kung paanong inibig ako ng Ama, gayundin naman, iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig… Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang mapasainyo ang kagalakan ko at nang sa gayon ay malubos ang inyong kagalakan.”

Hindi lang ito payo. Ibinabahagi ni Hesus ang sikreto ng tunay na kagalakan: ang manatili sa Kanyang pag-ibig. Magagawa ba natin ito sa totoong buhay? Binigyan tayo ng halimbawa ni Santa Rita de Cascia, ang patrona ng mga imposibleng sitwasyon. Puno ng pagsubok ang buhay niya: sa murang gulang ay pinilit siyang magpakasal sa isang lalaking magaspang at mapusok ang pagkatao. Pinatay ang kanyang asawa, at maaga siyang nabiyuda. Nagkasakit at namatay ang dalawa niyang mga anak. Napuno siya ng dalamhati. Pero hindi siya nagpadala sa galit at lungkot. Sa halip, pinili niyang magmahal. Pinatawad niya ang mga kaaway ng asawa niya, pinagdasal niya ang mga nakasakit sa kanya, at nagtiwala siya sa Diyos kahit parang wala nang pag-asa. 

Ganito ang ibig sabihin ng pananatili sa pag-ibig ni Kristo – magmahal kahit masakit. Sabi ni Hesus, “Magmahalan kayo tulad ng pag-ibig ko sa inyo”. Ibig sabihin, magmahal kahit mahirap, kahit nasasaktan tayo, kahit gustong-gusto na nating sumuko. 

Alam n’yo kung ano ang nakakamangha? Natagpuan ni Santa Rita ang kasiyahan sa gitna ng pagdurusa. Hindi dahil perpekto ang buhay niya, kundi dahil nakakapit siya kay Kristo. Pangako ni Hesus na kapag nanatili tayo sa Kanya, sasaatin ang Kanyang kasiyahan. Nagmumula ito sa pananalig nating mahal tayo ng Diyos, anuman ang mangyari. Ipinakita ni Santa Rita na kahit sa pinakamadilim na sandali, may kapayapaan at kasiyahan kapag nananatili tayo sa Panginoon. 

Pero, paano ba tayo mananatili sa Kanya? Magagawa ba natin ito araw-araw?

Narito ang ilang praktikal na paraan na matututunan natin kay Santa Rita: 

Pagdarasal – Oras-oras nagdasal si Santa Rita. Hindi lang siya nakipag-usap sa Diyos; nakinig rin siya. Pwedeng magsimula sa simpleng dasal ng limang minuto araw-araw. 

Pagbibigay – Ang pag-ibig ay hindi lang damdamin; ito’y aksiyon o gawa. Sino sa buhay mo ang nangangailangan ng kapatawaran o kawang-gawa ngayon? 

Pagtitiwala – Kahit parang imposible ang sitwasyon, patuloy na gumagalaw ang Diyos. Nagmumula ang kasiyahan natin sa pagtitiwala sa Kanyang plano. 

Kapatid/Kapanalig, hindi tayo tinawag ni Hesus para mabuhay lang. Gusto niya tayong mamuhay na puno ng kagalakan. Mangyayari lang ito kapag nanatili tayo sa Kanya, nagmamahal tulad Niya, at nagtitiwala sa Kanya sa bawat yugto ng buhay. 

Pinapaalala  sa atin ni Santa Rita na wala sa sitwasyon ang kaligayahan; nasa pagpili ito kung kaninong pag-ibig tayo mananatili. Kaya, piliin nating manatili sa Panginoon. Dahil doon lang natin matatagpuan ang tunay na kaligayahan.  Ikaw, kapatid/kapanalig, paano ka mananatili sa pag-ibig Niya ngayong araw na ito?