Daughters of Saint Paul

MAYO 23, 2021– DAKILANG KAPISTAHAN NG LINGGO NG PENTEKOSTES (B)

EBANGHELYO: Jn 15:26-27; 16:12-15

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kapag dumating ang Tagapagtanggol na aking ipadadala sa inyo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan na nagmula sa Ama, iyon ang magpapatotoo tungkol sa akin. At magpapatotoo rin kayo sapagkat kasama ko kayo mula sa simula. Marami pa sana akong sasabihin sa inyo, subalit hindi ninyo mauunawaan ngayon. Darating naman siya, ang Espiritu ng katotohanan at maghahatid sa inyo sa buong katutuhanan. Wala na siyang sasabihin mula sa ganang sarili, kundi ang lahat niyang maririnig ang kanyang bibigkasin at mga bagay na darating ang ibabalita niya sa inyo. Ibabalita niya sa inyo ang tatanggapin niya mula sa akin. At sa gayon nya ako luluwalhatiin ang tanang sa Ama ay akin. Dahilan dito kaya ko sinabing mula siya sa akin tatanggap at magbabalita sa inyo  

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. Paolo Asprer ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Noong Marso nitong taong ito, sa gitna ng banta ng terorismo at ng COVID-19 Pandemic, natuloy sa pagdalaw si Pope Francis sa Iraq. Ito ang kauna-unahang pagbisita ng Santo Papa sa nasabing bansa na kung saan dominante ang mga Muslim.// Sa kanyang apat (4) na araw na paglagi sa Iraq, nakiusap si Pope Francis kay Prime Minister Mustafa Al-Kadhemi at Grand Ayatollah Ali Al-Sistani na matigil na ang extremism at karahasan sa bansa. Nabisita rin niya ang mga lumang religious sites kabilang ang lugar kung saan isinilang si Abraham, at nakapagdasal sa Mosul na lubusang naapektuhan sa pag-atake ng ISIS.//  Dala-dala ng 84 years old na Santo Papa ang Mabuting Balita ng kapayapaan, ng pakikipagkaibigan, ng paggalang, at ng pagkakaisa—mga kaloob na nagmumula sa Espiritu Santo!// Mga kapatid, sa maraming pagkakataon, ang ating pagkakaiba-iba—sa pinanggalingan, sa pananampalataya, sa pananaw, o sa pinapahalagahan sa buhay—ang sanhi ng maraming pag-aaway at di-pagkakaunawaan natin. Pero para sa Diyos, ang pagkakaiba-iba ang dahilan, ugat, at batayan ng pag-ibig. Ang Diyos Ama, ang Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo ay magkakaiba, pero sila’y nagkakaisa sa kanilang pagkakaiba. Hindi ba ganyan ang tunay na pagmamahalan?// Ang Banal na Espiritu ng Ama at ni Hesus ang tumutulak at nagbibigay-lakas sa atin upang huwag matakot magmahal ng tunay. Kaya naman maglakas loob tayong manalangin, “Halina, Espiritu Santo! Hilumin mo kami. Buuin mo kami…” Amen.