BAGONG UMAGA
Mapagpalang araw ng Huwebes mga kapatid/kapanalig! Ipinagdiriwang po natin ngayon ang kapistahan ng Panginoong Hesukristo, ang Walang Hanggan at Dakilang Pari. Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Atin nang pagnilayan ang Ebanghelyo ayon kay San Marcos kabanata labing-apat, talata dalawampu’t dalawa hanggang dalawampu’t lima.
Ebanghelyo: Mk 14:22-25
Habang sila’y kumakain, kinuha niya ang tinapay, at matapos mag puri sa Diyos, pinaghati-hati niya iyon at binigay sa mga alagad habang sinasabi: “Kunin ninyo; ito ang aking katawan. “ Pagkatapos ay kinuha niya ang kalis, nagpasalamat siya at ibinigay sa kanila, at uminom ang lahat. At sinabi niya sa kanila: “ ito ang aking duogo ng Tipan, na ibinubuhos para sa marami. Sinasabi ko rin sa inyo: Hindi na ako iinom pa ng galing sa ubas hanggang sa araw na inumin ko ang bagong alak sa Kaharian ng Diyos.
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Fr. Sebastian Gadia ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Ang buwan ng Mayo ang may pinakamaraming fiesta dito sa ating bansa. Siyempre, hindi kumpleto ang fiesta kung walang handaan. Ito’y patunay na mahilig tayo sa pagkain. Ano mang okasyon, hindi talaga mawawala sa atin ang kainan. Indeed, food is life. Hindi tayo mabubuhay kung di tayo kakain. Pagkain ang nagbibigay sa atin ng lakas sa pang araw-araw nating pamumuhay. Kaya naman ginamit ng ating Panginoong Hesukristo ang pagkahilig natin sa pagkain upang makapasok siya hindi lang sa espiritwal na aspeto ng ating buhay, kundi pati na rin sa literal nating katawan. Ginamit niya ang tinapay upang maging TUNAY niyang presensya at HINDI SIMBOLO lamang. Narinig natin sa Mabuting Balita na dumampot ng tinapay si Hesus, at matapos magpasalamat sa Diyos ay kanyang pinaghati-hati iyon at ibinigay sa mga alagad: “Kunin ninyo; ito ang aking katawan.” Ibinigay ng Panginoong Hesukristo ang Eukaristiya sa atin bilang patunay na hindi niya tayo iniwan. Nasa Eukaristiya ang tunay na presensya ng ating Panginoong Hesukristo. Gusto tayong makasama ng ating Panginoon hindi lang sa espiritwal na aspeto, kundi gusto niya tayong makasama nang literal. Mga kapatid/kapanalig, tuwing tinatanggap natin ang Panginoon Hesukristo sa Eukaristiya, hindi lamang laman at dugo ang tinatanggap o kinakain natin. Kasama sa kinakain natin ang persona ng ating Panginoong Hesukristo o ang kanyang life style: ang kanyang pagiging maawain, mahabagin at mapagmahal. Kaya’t inaanyayahan din tayo na gawing Eukaristiya ang buhay natin. Tulad ng nangyayari sa Eukaristiya, hayaan nawa nating maging tinapay ang ating sarili upang makapagbigay buhay – taken, blessed, broken, and shared.