Daughters of Saint Paul

Mayo 23, 2025 – Biyernes | Ika-5 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Ebanghelyo:  Juan 15:12-17

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: Katulad ng pagmamahal sa aking Ama, gayundin naman ang pagmamahal ko sa inyo. Manatili kayo sa pagmamahal ko. Kung tutuparin Ninyo ang aking mg autos, mananatili kayo sa pagmamahal ko, Katulad sa pag tupad ko sa mg autos ng aking Ama at ng pananatili ko sa kanyang Pagmamahal. Sinabi ko sa inyo ang mga ito, upang mapasa inyo ang kagalakan ko. At maging ganap ang galak ninyo. “Ito ang utos ko: Magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo. Wala nang pagmamahal na hihigit pa kaysa sa pag-aalay ng sariling buhay alang-alang sa mga kaibigan niya. Mga kaibigan ko kayo kung ginagawa ninyo ang iniutos ko sa inyo. Hindi ko na kayo itinuturing na mga utusan sapagkat hindi alam ng utusan kung ano ang ginagawa ng kanyang panginoon. Itinuring ko naman kayong mga kaibigan sapagkat ipinaalam ko sa inyo ang lahat ng narinig ko mula sa aking Ama. Hindi kayo ang humirang sa akin kundi ako ang humirang sa inyo at itinalaga ko kayo para matagpuang namumunga, at manatili ang bunga ninyo. At ipagkakaloob sa inyo ng Ama anuman ang hilingin ninyo sa kanya sa Ngalan ko. Iniuutos ko nga sa inyo na magmahalan kayo.”

Pagninilay:

“Hindi kayo ang humirang sa akin, kundi ako ang humirang sa inyo at nagtalaga upang kayo ay magsilakad at magsipamunga…”

Sobrang nakakataba ng puso na isiping ang Panginoon ang humirang at nagtalaga sa akin sa aking misyon bilang isang Pauline Cooperator. Kilala ako ng Panginoon at alam niya kung ano ang aking kakayahan at kahinaan. Alam niya kung saan ako maaring maging epektibo at kapaki-pakinabang. Higit nga niya akong kilala, kaysa sa pagkakakilala ko sa aking sarili! Binubuo pa lamang ako sa sinapupunan ng aking ina ay nakita na ako ng Panginoon. Nakilala na niya ako at alam niya kung hanggang saan ang itatagal ko sa mundong ito. Lahat ay alam niya at dahil dito, isinusuko ko sa kanya ang lahat ng aking mga gawain para sa misyon. Nawa ay maging kaaya-aya at katanggap-tanggap ito sa kanya. At nawa, bigyan niya ako ng malakas na pangangatawan upang magampanan ko ang aking mga tungkulin.

Bago ako pumasok sa Association of Pauline Cooperators (APC), may mga samahan akong pinagpipilian. Plano ko talagang magsilbi kay Lord after putting my affairs in order. Pero masigasig ang aking kumare at kaibigang si Violy Tambunting na subukan ko ang pagiging Cooperator.

“Sasamahan kita” sabi niya. “Ipapakilala kita kay Sr. Rosalie.” “Kilalanin mo ang APC. Saka ka magdesisyon” sabi pa niya. Looking back, ngayon ko napagtanto na si Violy ang ginamit ng Panginoon na instrumento upang marinig ko ang kanyang tinig. Mahigit pitong taon na ang nakakalipas mula nang maging isa akong ganap na Pauline Cooperator. Marami ng proyekto at gawain ang nagdaan. Madalas, may balakid. Pero kahit kailan, hindi nabigo ang misyon. Nakakapagod, oo. Pero ang kasiyahang dulot ng matagumpay na misyon ay di mababayaran. Higit pa diyan, nag-uumapaw ang mga biyayang spiritual mula sa pagiging isang Pauline Cooperator. Ika nga, babad na babad kami sa dasal ng mga Daughters of Saint Paul at ng buong Pauline family.

Kapanalig, kumakatok ba sa puso mo ang Panginoon? Bumubulong ba siya sa iyo kung paano ka magsisilbi sa kanya? Talasan mo ang iyong pakiramdam… Suriin at namnamin ang kanyang pagtawag. Maririnig mo siya, maniwala ka sa akin. Basta’t isuko mo ang iyong puso at diwa sa kanya, at dadalhin ka niya kung saan ka dapat pumunta. “Let go and let God”. Hinding-hindi ka magkakamali.