Daughters of Saint Paul

Mayo 24, 2017 MIYERKULES sa Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay / Santa Juana

Gawa 17:15, 22—18:1 – Slm 148 – Jn 16:12-15

Jn 16:12-15

Marami pa sana akong sasabihin sa inyo pero hindi ninyo masasakyan ngayon. Ngunit pagdating niya, ang Espiritu ng katotohanan, ihahatid niya kayo sa buong katotohanan.

Hindi siya mangungusap mula sa ganang sarili kundi ang naririnig niya ang ipangungusap niya at ang mga bagay na darating ang ibabalita niya sa inyo. Mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo, at sa gayon niya ako luluwalhatiin. Akin ang tanang sa Ama. Dahil dito kaya ko sinabing ‘Mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo.’ 

PAGNINILAY

Mga kapatid, sa sinabi ni Jesus  na marami pa sana siyang sasabihin pero hindi pa ito masakyan ng mga alagad, tumutukoy ito sa mga kahirapan at balakid na kakaharapin ng isang alagad at tagasunod ni Kristo. Sa pagsunod natin sa Diyos kinakailangan ang ating kahandaang kalimutan ang pansariling mga kagustuhan at ninanais. Ipinakita ni Jesus ang tunay na halimbawa ng isang tagasunod at pagiging anak ng Diyos.  Kung papaanong dumating ang Banal na Espiritu, ayon sa kahandaang tanggapin ito, at ayon sa plano at kagustuhan ng Diyos Ama sa langit. Alam ni Jesus na darating lamang ang Banal na Espiritu sa mga pusong handang tumanggap at mapuspos nito. Sa ating mga karanasan, maraming pagkakataong hindi tayo nagtatagumpay sa anumang balakin dahil na rin marahil sa ito’y pawang mga kagustuhan lamang natin at hindi kagustuhan ng Diyos.  Marami tayong mga agam-agam, pag-aalala at kadalasan kinatatakutan sa buhay. Natatakot tayong magkasakit, natatakot tayong tumanda, natatakot tayo sa ating mga kasalanan at pagkakamali at karamihan sa atin natatakot sa kamatayan. Hindi ba’t lahat ng ito’y mga kinatatakutang nakabase lamang sa ating kawalan ng tiwala sa kalooban ng Diyos? O kaya naman isa lamang ito sa ating walang kahandaang harapin ang mga pagsubok sa buhay? Natatakot tayong magkasakit dahil sa tingin natin kaya nating gawin lahat. Kaya nga, kahit hindi na kaya ng ating katawan sugod pa rin tayo. Natatakot tayong tumanda, kaya kung anu-anong mga produktong pampaganda at pampabata ang ating tinatangkilik. Natatakot tayong mamatay dahil akala natin walang katapusan ang ating buhay at hindi pa nga tayo handa. Hilingin natin sa Panginoon ang kaliwanagan ng puso at isip na laging ituon ang ating atensiyon at buong pagkatao sa pag-unlad sa kabutihan at kabanalan.  Panginoon, marapatin Mo pong maiayon ko ang aking kagustuhan ayon sa kalooban Mo para sa akin. Amen.