Daughters of Saint Paul

Mayo 24, 2024 – Biyernes sa Ika-7 Linggo ng Taon    

BAGONG UMAGA

Mapagpalang araw ng Biyernes mga kapatid/kapanalig! Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Atin nang pagnilayan ang Ebanghelyo ayon kay San Marcos kabanata sampu, talata isa hanggang labindalawa.

Ebanghelyo: Mc 10:1-12

Nagpunta si Jesus sa probinsiya ng Judea, sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan. At napakaraming tao naman ang nagdatingan. At muli niya silang tinuruan gaya nang dati. At lumapit ang ilang Pariseo na gusto siyang subukan at tinanong nila siya: “Pinahihintulutan bang diborsiyuhin ng lalaki ang kanyang asawa sa anumang dahilan?” Itinanong naman niya: “Ano ang iniutos ni Moises” At sinabi nila: “Ipinahintulot ni Moises na paalisin ang babae pagkabigay sa kanya ng kasulatan ng diborsiyo.” Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Alam ni Moises na matigas ang inyong puso kaya sinulat niya ang kautusang ito. Ngunit sa simula’y ginawa sila ng Maykapal na lalaki at babae, at dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina at magigigng iisang katawan ang dalawa. Kung gayo’y hindi na sila dalawa kundi iisang katawan lamang kaya huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.” Nang nasa bahay na sila, tinanong siyang muli ng mga alagad. At sinabi niya sa kanila: “Kung may lalaking magpaalis sa kanyang asawa at saka magpakasal sa iba, nakiapid siya. At kung ang babae naman ang magpaalis sa lalaki at magpakasal sa iba, nakikiapid din siya.

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Fr. Buen Cruz ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.

Mahirap kalaban ang puso ng tao. Lalo na kung katakut-takot ang galit at poot, at nagsusumiksik ang tampo at pagwawalang kibo. Dito nakaugat ang maraming suliranin at pagkakasala. Sa pusong nagmamatigas madalas nagmumula ang paghihiwalay, pag-aaway at pagkakawatak-watak ng pagkakaibigan, ng pamilya, ng mag-asawa. Kapag nagmatigas ang puso – wala itong nadarama, walang nauunawa, walang nakikita, ga-pader at ga-bato. Sa pagmamatigas ng puso – yabang, taas ng tingin sa sarili, at kawalang-awa ang pinamamayani. Talo ng nagmamatigas na puso ang kahit na anong maso o bato; hindi ito mapalalambot o madudurog ng kahit na ano. Maliban sa isa – ang pagmamahal ng Diyos na hindi sumusuko. Kung makikinig lamang tayo sa patuloy na pagtawag ng Diyos, layon Niya na makaisa natin ang lahat, makasundo, makadaupang palad – makaisang puso at diwa. Mangyayari lamang ito kung tumitibok ang ating mga puso nang sabay sabay – tulad ng isang koro na ang mga tinig ay sabay sabay na umaawit. Walang pusong matigas sa grasya na patuloy na ibinubuhos ng Diyos. Walang pusong bato sa kapatawaran na laging iniaalay ng Diyos. Hamon ng Mabuting balita sa ating lahat na hayaang lumambot ang ating mga puso – sa tulong ng pagmamahal, kapatawaran, pagkalinga at awa na nagmumula sa grasya ng Diyos. Huwag nating hayaang ang yabang, kasinungalingan at pagkamakasarili ang bumalot sa puso natin, upang patuloy na maramdaman ang presensya at pag-ibig ng Diyos; pag-ibig na dapat ibahagi at ibigay din sa lahat – lalung-lalo na sa inyu-inyong asawa at sa ating pamilya. Amen.