MARCOS 10:1-12
Nagpunta si Jesus sa probinsiya ng Judea, sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan. At napakaraming tao naman ang nagdatingan. At muli niya silang tinuruan gaya nang dati. At lumapit ang ilang Pariseo na gusto siyang subukan at tinanong nila siya: “Pinahihintulutan bang diborsiyuhin ng lalaki ang kanyang asawa sa anumang dahilan?” Itinanong naman niya: “Ano ang iniutos ni Moises” At sinabi nila: “Ipinahintulot ni Moises na paalisin ang babae pagkabigay sa kanya ng kasulatan ng diborsiyo.” Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Alam ni Moises na matigas ang inyong puso kaya sinulat niya ang kautusang ito. Ngunit sa simula’y ginawa sila ng Maykapal na lalaki at babae, at dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina at magigigng iisang katawan ang dalawa. Kung gayo’y hindi na sila dalawa kundi iisang katawan lamang kaya huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.” Nang nasa bahay na sila, tinanong siyang muli ng mga alagad. At sinabi niya sa kanila: “Kung may lalaking magpaalis sa kanyang asawa at saka magpakasal sa iba, nakiapid siya. At kung ang babae naman ang magpaalis sa lalaki at magpakasal sa iba, nakikiapid din siya.
PAGNINILAY:
Sa pagkakataong ito, muling nakaharap ni Jesus ang mga Pariseo na sumusubok sa kanyang paninindigan sa mga batas sa pag-aasawa noon. Binigyang-diin niya na “huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.” Binanggit din niya na dahil sa katigasan ng kanilang mga ulo kaya sinulat ni Moises ang utos tungkol sa diborsiyo. Sa gayon, importante na ang anumang gawin at/o ipapasiya ng isang tao ay hindi dapat maibatay sa kung ano ang nakaugalian gawin o nasusulat sa batas kundi ano ang tama at naaayon sa kalooban ng Diyos. Mahalagang maitanong ng isang tao sa kanyang sarili: Matutuwa ba ang Diyos sa gagawin kong ito? Magiging maligaya ba ang aking puso at magiging payapa ang isip? Ang pinakamabuti ang gusto ng Diyos para sa atin, kaya’t siya ang dapat nating maging gabay at panuntunan. Kaya nga, bilang mga Katoliko, alam natin na walang papel ang diborsiyo sa ating pamilya. Hindi paghihiwalay ang solusyon kung may sigalutan ang mag-asawa kundi ang pagbubukas ng puso at isip para matukoy ang problema at ang pangangailangan ng bawat isa. At, dapat isaalang-alang ang magiging epekto nito sa mga anak na siyang unang masasaktan sa ibubunga ng paghihiwalay. Diyos ko, loobin mo pong lagi naming magawa ang tama di man ito laging tugma sa aming ninanasa, Amen.