Daughters of Saint Paul

Mayo 25, 2025 – Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K)

Ebanghelyo: Juan 14, 23-29

Sumagot si Hesus at nagwika kay Judas hindi ang Iskariote: “Kung may nag mamahal sa akin isasakatuparan niya ang aking salita at mamahalin siya ng aking ama at pupuntahan namin siya at sa kanya naming gagawin ang isang panuluyan para sa aming sarili. Ang hindi naman nagmamahal sa akin ay hindi nagsasakatuparan sa mga salita ko. At ang salitang inyong narinig ay hindi sa akin kundi sa amang nagpadala sa akin. Sinabi ko sa inyo ang mga ito, habang kasama pa ninyo ako. Ituturo naman sa inyo ng tagapagtanggol ang lahat, siya ang Espiritu Santong ipadadala ng ama sa ngalan ko. At ituturo niya sa inyo ang lahat, at ipapaalala niya sa inyo ang lahat ng sinabi ko sa inyo. “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo, ibinibigay ko sa inyo ang aking kapayapaan hindi tulad ng pagbibigay ng mundo ang pagbibigay ko nito sa inyo. Wag mabagabag ang inyong mga puso, wag kayong matakot narinig ninyong sinabi ko sa inyo paalis ako pero babalik ako sa inyo. Kung minamahal ninyo ako magagalak sana kayo sa pagpunta ko sa ama, sapagkat mas dakila sakin ang ama. Ngunit sinabi ko na ito ngayon sa inyo bago mangyari upang maniwala kayo kapag nangyari ito.

Pagninilay:

Isa sa mga core memories ng aking kabataan ay ang pinakaunang stuffed toy ko: si Nani. Si Nani ay isang laruang kuneho na napanalunan ni Papa sa isang palaro sa perya. Dahil sa trabaho, madalas wala si Papa sa bahay, kaya kapag wala siya, itinatabi ko sa akin si Nani upang mapaalalahanan ako na kahit wala si Papa sa bahay ay parang nandiyan pa rin siya. Samakatuwid, sa tuwing tangan-tangan ko ang stuffed toy na iyon, wala akong naaalala kundi si Papa at ang pag-ibig niya.

Sa susunod na Linggo, ipagdiriwang na natin ang Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ng Panginoon sa Langit, kaya halata naman sa ating ebanghelyo na namamaalam na si Hesus. Ngunit tulad ng sinumang magulang na lilisan nang panandalian, ay may iiwan si Hesus na pabaon na siyang tanda ng kanyang pag-ibig: ang Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo, ang pag-ibig ng Ama at ng Anak, ang siyang pangako at pamana sa lahat ng mga tagasunod ni Hesus na siyang patuloy na magpapaalala, magpapaunawa, at magpapaibig sa atin kay Hesus. Sa madaling sabi, ang Espiritu Santo ang maniniguro ng patuloy na pananatili ni Hesus sa ating piling sa lahat ng panahon at pagkakataon. Kaya naman wala tayong dapat ikapangamba sa paglisan ni Hesus dahil walang ibang dulot ang Espiritu Santo kundi ang kapayapaang hindi mababasag ng anumang pangamba o pagsubok sa buhay. Kapanalig, ngayong panahon ng Pasko ng Pagkabuhay, sariwain, linangin, at palalimin natin ang ating pakikipag-ugnayan sa Espiritu Santo, ang pag-ibig ng Diyos na laging nananahan sa ating mga puso. Upang matamasa natin ang kapayapaan, kaligayahan, at pagmamahal na pamana ni Kristong muling nabuhay sa ating lahat. Yakapin natin ang kaloob na Espiritu upang maging kaloob at biyaya rin tayo ng Diyos sa ating kapwang sa pag-ibig at pag-asa’y naghihikahos.