BAGONG UMAGA
Mapayapang araw ng Linggo mga kapatid/kapanalig! Ipinagdiriwang po natin ngayon ang Dakilang Kapistahan ng Banal na Santatlo, o Holy Trinity Sunday. Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan po natin ang Ebanghelyo ayon kay San Mateo kabanata dalawampu’t walo, talata labing-anim hanggang dalawampu.
Ebanghelyo: Mt 28:16-20
Pumunta sa Galilea ang Labing-isang alagad, sa bundok na itinakda ni Jesus. Pagkakita nila sa kanya, sumamba sila, ngunit may nag-aalinlangan pa. At nilapitan sila ni Jesus at sinabi: “Ibinigay sa akin ang buong kapangyarihan sa Langit at sa lupa. Kaya humayo kayo at gawing mga alagad ang lahat ng bansa. Binyagan sila sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuan sila na sundin ang lahat ng iniutos ko sa inyo. Kasama ninyo ako at sa lahat ng araw hanggang sa wakas ng panahon.”
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Fr. Rolly Garcia ng Archdiocese of Manila ang pagninilay sa Ebanghelyo. Ngayong araw, ipinagdiriwang natin ang kapistahan ng Santisima Trinidad, ang Banal na Santatlo, ang pinakasentro ng ating pananampalataya. Naniniwala tayo na ang Diyos ay may tatlong Persona – Ama, Anak at Espiritu Santo, pero iisa lamang ang Diyos. Paano nating pinararangalan ang Banal na Santatlo? Sa pamamagitan ng pagsunod sa utos ni Hesus na gawing alagad ang lahat ng mga bansa. Ito ang tinatawag na Dakilang Komisyon na binasa natin sa Mabuting Balita. Ito ang ating misyon bilang mga Kristiyano: na ibahagi ang ating pananampalataya sa Banal na Santatlo sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa, sa pamamagitan ng ating pagpapakita ng pag-ibig sa Diyos at sa kapwa, sa pamamagitan ng ating pagsaksi sa buhay na banal, sa pamamagitan ng ating pakikilahok sa buhay ng Simbahan. Mga kapanalig, ngayong kapistahan ng Banal na Santatlo, magpasalamat tayo sa Diyos sa kanyang dakilang pag-ibig. Tumugon tayo sa kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng ating pag-ibig. At ipagdiwang natin ang kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng ating buhay.