Daughters of Saint Paul

Mayo 26, 2025 – Lunes – Paggunita kay San Felipe Neri, pari

Ebanghelyo:  Juan 15,26-16:4

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kapag dumating ang Tagapagtanggol na aking ipadadala sa inyo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan na nagmula sa Ama, iyon ang magpapatotoo tungkol sa akin. At magpapatotoo rin kayo sapagkat kasama ko kayo mula sa simula. Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang huwag kayong matisod at mahulog. Palalayasin nila kayo sa kanilang komunidad, at parating na ang mga oras na waring nag-aalay ng handog sa Diyos ang sinumang papatay sa inyo. At gagawin nila ito dahil hindi nila nakikilala ang Ama ni ako. Kaya naman sinasabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang pagdating ng oras ay matandaan ninyong sinabi ko ito sa inyo.”

Pagninilay:

Mahirap at masakit ang mawalay sa mga mahal sa buhay. Isang beses, nasaksihan ko sa airport ang isang OFW na nagpapaalam sa kanyang pamilya. Ayaw bumitaw sa yakap ng ama ‘yung maliit niyang anak, at paulit-ulit na nagsasabi,

 ‘Papa, huwag ka nang umalis. Ano’ng mangyayari sa ’kin kapag wala ka?’

Ramdam ko ang lungkot ng kanyang pag-iyak at hindi ko napigilang umiyak din.

Pinatahan siya ng kanyang ama:

‘Anak, araw-araw mo akong makikita sa video call. Padadalhan kita ng pera para makapag-aral ka, at kapag umuwi ako, dadalhan kita ng maraming laruan at tsokolate. Magiging mabait ka ba?’

Sa pagitan ng mga luha, sumagot ang bata:

‘Opo, Papa. Hihintayin kita.’

Naisip ko, ano kaya ang naramdaman ng mga apostoles noong Huling Hapunan nang magpaalam si Hesus? Pupunta Siya sa isang lugar na hindi nila alam. Hindi na nila maririnig ang Kanyang mga turo o masasaksihan ang Kanyang mga himala. At sila mismo ay pag-uusigin dahil sa Kanya.

Lungkot? Takot? Sigurado! Pero binigyan sila ni Hesus ng malaking kunsuelo – ipadadala Niya sa kanila ang Tagapagtanggol! Ang salitang ‘Tagapagtanggol’ o Advocate mula sa Latin, ay nangangahulugang ‘tumawag upang matulungan.’ Kaya Katulong. Siya ang Espiritu ng katotohanan na magpapatotoo kay Hesus at tutulong sa mga alagad. Ang mga apostol rin ay dapat magpatotoo kay Hesus, ang Katotohanang tinanggihan ng mundo.

Hanggang ngayon, patuloy ang laban sa pagitan ng katotohanan at kasinungalingan. May mga taong naghahanap ng katotohanan, naninindigan dito, at nagtitiis dahil dito. May mga taong naming ang hanapbuhay ay maghasik ng kasinungalingan. Pero napopoot ang Panginoon sa mga sinungaling (Kawikaan 12:22).

Mainam na tanungin natin ang ating sarili: ayon ba sa katotohanan ni Hesus ang ating pinaniniwalaan at ipinaglalaban? O bunga lang ito ng mga influencers at ating mga idolo?

Manalangin tayo: Banal na Espiritu ng katotohanan, akayin Mo kami sa buong katotohanan at bigyan Mo kami ng tapang na manindigan para dito. Amen.