Gawa 18:9-18 – Slm 47 – Jn 16:23b-28
Jn 16:23b-28
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “At sa araw na iyon, wala na kayong itatanong sa akin sapagkat talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na ipagkakaloob sa inyo anumang hingin ninyo sa Ama sa Ngalan ko. Hanggang ngayo’y wala pa kayong hiningi sa Ngalan ko. Humingi kayo at tatanggap kayo upang maganap ang inyong kagalakan.
Sa mga paghahambing ko ipinangungusap sa inyo ang mga ito. Ngunit may oras na sasapit na hindi sa paghahambing ako mangungusap sa inyo kundi lantaran ko nang ihahayag sa inyo ang tungkol sa Ama.
Sa araw na ’yon, sa ngalan ko kayo hihingi; hindi ko sinasabi sa inyo na makikiusap ako sa Ama alang-alang sa inyo pagkat iniibig kayo mismo ng Ama dahil iniibig n’yo ako at pinaniniwalaang sa Diyos ako galing. Galing ako sa Ama at dumating sa mundo. Muli kong iniiwan ang mundo at papunta sa Ama.”
PAGNINILAY
Sa Ebanghelyong ating narinig, isinalaysay ng ating Panginoon ang kanyang mga pangako na hinding-hindi Niya tayo iiwanan. Darating ang Banal na Espiritu upang tayo’y gabayan at patnubayan sa landas at daang matuwid. Dito rin ipinapahayag at pinatutunayan ni Jesus ang tunay na kaisahan Niya sa Ama. Datapwat, sinasabi ko sa inyo “na ako at ang Ama ay iisa at darating ang araw na iyon na malulubos ang inyong kagalakan…” Sa mga salitang ito, ipinapakita sa atin minsan pa ang “Pangakong langit” para sa ating lahat. Papawiin ng Diyos ang lahat ng ating pagkatakot at pagkabalisa. Magkakaroon ng linaw at kaisahan ang anumang mga pag-aalinlangan natin sa buhay at ating mga desisyon, ang mga bagay na walang katiyakan at may kalabuan. Dahil ang tunay na Espiritu ng Diyos, espiritu ng Pagkakaisa at Kalayaan, Pag-ibig at Pag-asa sa lahat ng mga nanampalataya. Sabi nga ni San Pablo, tunay na nananahan ang Diyos at nagkakaroon ng Langit. At nagaganap ito sa mga taong namumuhay na banal at may pagkatakot sa Diyos, tumatalima sa Kanyang kalooban at handang sumalungat sa mundong mapanlinlang, at nagbibigay ng panandaliang langit lamang. Sa taong ito nagaganap ang tunay na langit kung meron siyang pag-ibig na banal at pagkatakot sa Diyos na naghahari sa kanyang puso. Mga kapatid, masasabi nating tayo din pinananahanan ng Espiritu Santo kung sa kabila ng mga pagsubok na ating nararanasan, nananatili tayong matatag sa ating pananampalataya at di nawawalan ng pag-asa. Dahil buo ang pananalig natin sa Panginoong Jesus na muling nabuhay. At kung paanong napagtagumpayan Niya ang mga pagsubok, hirap at pasakit na Kanyang naranasan, naniniwala tayo na sa tulong Niya – malalampasan din natin ang mga pagsubok na ating nararanasan. Panginoon, nagtitiwala po ako na anumang hilingin ko sa Ama sa Ngalan Mo, Iyong ipagkakaloob. Sumasamo po akong patatagin pa ang aking pananampalataya Sa’yo. Amen.