Daughters of Saint Paul

Mayo 27, 2018 Dakilang Kapistahan ng Banal na Santatlo (B)

MATEO 28:16-20

Pumunta sa Galilea ang Labing-isang alagad, sa bundok na itinakda ni Jesus. Pagkakita nila sa kanya, sumamba sila, ngunit may nag-aalinlangan pa. At nilapitan sila ni Jesus at sinabi: “Ibinigay sa akin ang buong kapangyarihan sa Langit at sa lupa. Kaya humayo kayo at gawing mga alagad ang lahat ng bansa. Binyagan sila sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuan sila na sundin ang lahat ng iniutos ko sa inyo. Kasama ninyo ako at sa lahat ng araw hanggang sa wakas ng panahon.”

PAGNINILAY:

Sinikap na maintindihan sa loob ng napakaraming taon ang diwa ng santatlo. Sa aklat na Gospel Power (2017) ni Sr. Bernardita Dianzon, may simple siyang paliwanag. Ayon sa kanya, ang Diyos na ipinahayag ni Jesus ay isang ugnayan. Ibinigay ng Diyos Ama ang lahat sa kanyang Anak, at lubos namang ipinagkaloob ng Anak ang kanyang sarili sa Ama hanggang sa kamatayan sa krus. Ang Espiritu Santo ang pag-ibig na nagbibigkis sa pagitan ng Ama at Anak. Sa Diyos lang may lubos na pagbibigay ng sarili: isinugo ng Ama ang kanyang Anak sa daigdig, at inialay ng Anak ang kanyang sarili para matanggap natin ang Espiritu Santo at sa gayoý makabahagi sa komunyon ng buhay ng Santatlo.  Sinabi rin ni Papa San Juan Pablo II na masasalamin sa buhay-may-asawa ang ugnayan ng banal na Santatlo: “Ang lalaki ang umiibig, ang babae ang iniibig at ang anak ang bunga ng pag-iibigan.”  Sa gayon, sa kanilang kasal, nagiging isa ang dalawa, at dahil sa pag-ibig, nagbubunga at nagbibigkis ito ng marami, kasama na ang mga anak at iba pang mga miyembro ng pamilya, ng mga angkan, at ng buong komunidad.  Sa pagbasa ngayong araw, may mahalagang tagubilin si Jesus kaugnay sa Santatlo. Winika niya, “Humayo kayo at gawing alagad ang lahat ng mga bansa.  Binyagan sila sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo….kasama ninyo ako sa lahat ng araw hanggang sa wakas ng panahon.”  (Manalangin tayo.   Mahal na Panginoong Jesus, ipinagkaloob mo ang lahat sa amin maging sa langit at sa lupa. Loobin mo na magbigay ito sa amin ng lakas ng loob upang laging magawa ang tama at ayon sa Iyong mahal na kalooban gaano man ito kahirap o kasakit sa aming mahihinang puso. Nawa, ang buong buhay namin, maging isang pagdakila sa Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo, Amen.)