EBANGHELYO: Mk 10:46-52
Pag-alis ni Hesus sa Jerico kasama ang kanyang mga alagad at ang marami pang tao, may isang bulag na pulubi na nakaupo sa tabing-daan– si Bartimeo, ang anka ni Timeo. Nang marinig niya na si Hesus na taga-Nazaret ang dumaraan, nagsimula siyang sumigaw: “Kaawaan mo ako, Hesus, anak ni David.” Pinagsabihan siyang tumahimik ng mga tao pero lalo lamang niyang nilakasan ang kanyang sigaw: “Panginoon, anak ni David, maawa ka sa akin!” Huminto naman si Hesus at sinabi: “Tawagin n’yo siya.” Kaya tinawag nila ang bulag: “Lakasan mo ang iyong loob at tumindig ka. Tinatawag ka nga niya.” Inihagis nito ang kanyang balabal at paluksong lumapit kay Hesus. Kinausap ito ni Hesus at sinabi: “Ano ang gusto mong gawin ko?” At sumagot sa kanya ang bulag: “Ginoo, makakita sana ako.” At sinabi naman ni Hesus: “Sige, ang iyong pananalig ang nagligtas sa iyo.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Marissa Manigbas ng Institute of Our Lady of Annunciation o IOLA ang pagninilay sa ebanghelyo. (Sa bahay namin sa probinsya, kapag-nawawalan ng power ng kuryente sa gabi, sinasabi ni mama na walang tatayo o aalis sa pwesto dahil madilim. Kahit walang ilaw at madilim/ alam ni mama kung saan kukuhanin ang kandila at posporo para sindihan ito. Malakas ang loob n’yang tumayo sa gitna ng dilim ng kapaligiran/ magkaroon lang liwanag ang aming tahanan./) Sa ating Mabuting Balita, na encounter ni Hesus ang bulag na si Bartimeo. Sa puso ni Bartimeo, si Hesus lang ang kanyang pag-asa para makakita. Alam din nya na marami na s’yang napagaling. Marahil hindi niya nakikita ang ginagawa ni Hesus, pero sa kanyang pakikinig at matalas na pakikiramdam sa kanyang paligid, parang maliwanag na maliwanag na nakikita nya si Hesus. Kaya gusto n’yang makakita ng lubusan. Itinanim na ni Bartimeo sa kanyang puso at isip na gagawa s’ya ng paraan upang siya’y mapansin ni Hesus kahit na anung mangyari. Sinindihan ni Bartimeo ang kandila ng kanyang pananampalataya. Pagdaan ni Hesus sumigaw sya, bagamat hindi sya agad napansin at maraming balakid sa paligid, hindi nanghina ang kanyang pananalig, bagkus nilakasan pa niya ang kanyang loob at pagsigaw. Nang tinanung s’ya ni Hesus “Ano ang ibig mong gawin ko sa iyo?” At sumagot s’ya “Ibig ko po sanang makakita.’ Kaagad-agad nakakita s’ya at yon ay dahil sa kanyang pananampalataya. Ikaw kapatid, nasa kadiliman ka ba ngayon? Dumaraan ka ba sa tunnel ng buhay ngayon? baka kailangan mong sindihan ang kandila ng iyong pananampalataya. Tumawag ng malakas, lakasan mo ang iyong loob at paakay sa iba patungo kay Hesus. Maniwala ka, makikita mo ang liwanag sa iyong buhay.