Daughters of Saint Paul

Mayo 27, 2024 – Lunes sa Ika-8 Linggo ng Taon  

BAGONG UMAGA  

Mapagpalang araw ng Lunes mga kapatid/kapanalig! Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Atin nang pagnilayan ang Ebanghelyo ayon kay San Marcos kabanata sampu, talata labimpito hanggang dalawampu’t pito.

Ebanghelyo: Mc 10:17-27

Isang tao ang patakbong sumalubong kay Jesus at paluhod na nagtanong: “Mabuting guro, ano ang dapat kong gawin para magmana ng walang hanggang buhay?” Sumagot sa kanya si Jesus : “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang. Alam mo ang mga utos:Huwag papatay… Sinabi sa kanya ng tao: Sinunod ko ang lahat ng ito mula pagkabata, ano pa ang kulang ko?” Kaya tinitigan siya ni Jesus at minahal siya at sinabi: “Isa ang kulang sa iyo. Umuwi ka at ipagbili ang lahat ng iyo at ibigay sa mga dukha… At saka ka bumalik para sumunod sa akin.” Pinanghinaan ng loob ang tao sa salitang ito at umalis na malungkot sapagkat napakayaman niya. Kaya tumingin si Jesus sa paligid at sinabi sa kanyang mga alagad: “Napakahirap ngang pumasok sa Kaharian ng Diyos ang mga may kayamanan.” Takang-taka ang mga alagad dahil sa pananalitang ito. Kaya muling sinabi sa kanila ni Jesus: “Mga anak, napakahirap ang pumasok sa Kaharian ng Diyos! Oo, mas madali pa para sa kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom kaysa pumasok ang isang mayaman sa Kaharian ng Diyos.” Lalo pang namangha ang mga alagad at nag-usap-usap: “Kung gayon, sino ang maliligtas?”Tinitigan sila ni Jesus at sinabi: “Imposible ito para sa tao pero hindi para sa Diyos; lahat ay posible para sa Diyos.”

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.

Anuman ang imposible sa tao, sa Diyos, lahat ay maaaring mangyari. Ito ang nais kung bigyang-diin sa aking pagninilay. Ipinapaalaala sa atin na lahat ng nangyayari dito sa mundo ay nakikita ng Diyos. Totoong anumang gawin natin ay makakaapekto sa ating relasyon sa bawat isa, at sa lahat ng nilikha ng Diyos. Dahil sa ating kalayaan, maaari tayong pumili ng ating desisyon. Harinawa ay isipin natin ang kapakanan ng higit na nakararami, kaysa sa pansariling kapakinabangan. Nalungkot ang taong nagtanong kay Hesus kung ano ang dapat pa niyang gawin upang makamtan ang buhay na walang hanggan noong marinig ang sagot niya. Winika kasi ni Hesus na ipagbili nito ang lahat niyang ari-arian at ipamigay sa mga dukha. Tayo po kaya, mga kapanalig, saan nakasalalay ang ating kaligayahan at kahulugan ng ating buhay? Sa kayamanang bumibilanggo ng kalayaan? O sa karukhaan sa materyal na bagay pero maayos ang relasyon sa Diyos at sa kapwa?