Ebanghelyo: JUAN 16:5-11
Pagninilay:
Ilang araw na lamang, ipagdiriwang na natin ang Pentecost Sunday o ang Pagbaba ng Banal na Espiritu sa mga alagad at sa mahal na Birheng Maria. Ito ang ikatlong misteryo ng Luwalhati ng Santo Rosario.
Katulad ng isang magulang na maraming ibinibilin sa kanyang mga anak bago umalis para sa isang paglalakbay, ibinibilin ni Jesus sa Kanyang mga alagad ang Kanyang pangakong pagpanaog ng Banal na Espiritu o Patnubay sa kanila. Malungkot ang mga alagad subalit tapat ang Panginoon sa Kanyang mga pangako, batid niya ang ating mga takot at alinlangan. Sinabi ni Jesus sa Ebanghelyo ayon kay San Lucas, “Kayo ngang masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak. Lalo na ang inyong Ama na nasa langit, na magbibigay ng Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya!” Opo, handa ang Banal na Espiritung tumugon sa sinumang taiMateoim na manalangin ng Kanyang patnubay. Paano natin malalaman na nasa sa atin ang Banal na Espiritu? Sa Sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Galacia, ibinahagi niya ang bunga ng Espiritu Santo.
Minsan sinugod si Zeny ng kanyang galit na galit na kapitbahay. Pagbabahagi ni Zeny, “Wala po akong alam sa kanyang mga sinasabi. Matapos po ang kanyang napakalakas na mga sumbat na dinig na dinig ng mga kapitbahay, nakaramdam po ako ng awa sa kanya. Mahinahon po akong nag-sorry kahit hindi ko ginawa ang mga ibinibintang niya. Ang gaan po ng aking pakiramdam. Batid ko pong hindi ako ‘yun, kundi ang makapang-yarihang Banal na Espiritu. Sapagkat kung ako po ‘yun, siguradong aawayin ko rin siya at hindi ako magpapatalo sa kanya.” Mga kapanalig, suriin natin ang ating mga sarili at tingan natin kung paano tayo mag-react sa mga sitwasyon? Ano ba ang lumalabas sa ating bibig? Buksan natin ang ating puso sa pagpapanibagong handog ng Banal na Espiritu at hayaan natin Siyang palayain tayo sa mga galit, paghuhusga, inggit at sa lahat ng hadlang sa biyaya ng Panginoon. Manahan nawa sa atin ang Banal na Espiritung nagpapabanal upang maisabuhay natin ang Kanyang bunga: pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kabaitan, kabutihan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. Amen.