Gawa 1:1-11 – Slm 47 – Ef 1:17-23 – Mt 28:16-20
Mt 28:16-20
Pumunta sa Galilea ang Labing-isang alagad, sa bundok na itinakda ni Jesus. Pagkakita Pnila sa kanya, sumamba sila, ngunit may nag-aalinlangan pa.
At nilapitan sila ni Jesus at sinabi: “Ibinigay sa akin ang buong kapangyarihan sa Langit at sa lupa. Kaya humayo kayo at gawing mga alagad ang lahat ng bansa. Binyagan sila sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuan sila na sundin ang lahat ng iniutos ko sa inyo. Kasama ninyo ako at sa lahat ng araw hanggang sa wakas ng panahon.”
PAGNINILAY
Mga kapatid, sa Pag-akyat ng Panginoong Jesus sa Langit inihabilin Niya sa mga alagad ang misyong dapat nilang gampanan. Isang misyong magpapatuloy ng mga magagandang gawaing iniwan Niya sa lupa. “Humayo kayo at gawing mga alagad ang lahat ng bansa. Binyagan sila sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuan silang sundin ang lahat ng mga iniutos ko sa inyo.” Ito ang mga katagang namutawi sa bibig ni Jesus bago Siya pumunta sa langit. Ang misyong gagampanan ng mga disipulo, masasabing hindi basta-bastang misyon na madaling gawin. Lalo na sa mga bansang hindi Kristiyano na magpahanggang ngayon hindi pa rin naniniwala sa Panginoong Jesus. Halimbawa na lamang ang mga bansang pagano, Hinduismo, atheismo, Islam o ang mismong lugar ng Panginoon sa Israel na may relihiyong Judaismo na magpahanggang ngayon naghihintay pa rin sa pagdating ng Mesiyas. Mga kapatid, tayo rin bilang mga binyagang Kristiyano, inaatasan Niyang humayo at maging tagapagpalaganap ng Mabuting Balita ng kaligtasan sa lahat ng mga bansa. Pero unahin muna natin ang ating pamilya –ang ating mga kasambahay, kamag-anak, kaibigan, mga kasamahan sa trabaho, organisasyon, maging sa komunidad na ating kinabibilangan. Totoong hindi lahat tayo, pinagkalooban ng Diyos ng galing na magsalita o mangaral. Pero ang araw-araw nating pagsisikap sundin ang kalooban ng Diyos, ang uri ng ating pamumuhay at pakikitungo sa kapwa, ang pagsabuhay ng ating pananampalataya, ang ating mabubuting asal at mga pinahahalagahan – ilan lamang itong matibay na saksi nang pagpapahayag ng Mabuting Balita. Dagdag pa rito ang pagsalungat natin sa mga makamundong pagpapahalaga at pag-iwas sa kasalanan. Higit na mas epektibo pa ito kaysa mga magagaling mangaral, pero hindi naman nagsasabuhay ng kanilang ipinangangaral. Manalangin tayo. Panginoon, kasihan Mo po ako ng Iyong Banal na Espiritu nang maging saksi ako ng Iyong paghahari sa kasalukuyan. Kayo po ang aking kalakasan at kaliwanagan. Gamitin Mo po akong kasangkapan maging tagapagpalaganap ng Mabuting Balita. Amen.