Ebanghelyo: Juan 16:12–15
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Marami pa sana akong sasabihin sa inyo subalit hindi ninyo mauunawaan ngayon. Darating naman S’ya, ang Espiritu ng katotohanan, at maghahatid sa inyo sa buong katotohanan. Wala na S’yang sasabihin mula sa ganang sarili kundi ang lahat n’yang maririnig ang kanyang bibigkasin at ang mga bagay na darating ang ibabalita niya sa inyo. Ibabalita n’ya sa inyo ang tatanggapin n’ya mula sa akin, at sa gayon n’ya ako luluwalhatiin. Ang tanang sa Ama ay akin. Dahilan dito kaya ko sinabing ‘Mula sa akin s’ya tatanggap at magbabalita sa inyo.’”
Pagninilay: Nang namatay, bumangon muli, at umakyat sa langit si Hesus, hindi Niya tayo iniwan. Alam Niya na hindi natin maabot ang ganap na pag-unawa sa Kanyang mga turo, sa Kanyang buhay, kamatayan at muling pagkabuhay. Magulo at maingay ang mundo. Alam ni Hesus na kailangan natin ng liwanag at gabay para malaman natin at maging bukas sa katotohanan ng Kanyang mga turo. Kaya’t ipinangako Niya na ipapadala sa atin ang Banal na Espiritu, na siyang magiging Gabay natin. Ang Espiritu ang Tagapagbigay ng Katotohanan, ipinapaunawa Niya sa atin ang mga turo ni Hesus. Tulad ng isang sanggol na pinakain ng gatas ng ina at dahan-dahang ipinakilala sa solid food, unti-unti ring binubuksan ng Espiritu Santo ang ating isip at puso sa katotohanan ng pagmamahal ni Hesus at ng Kanyang Ama. Ang Diyos Ama, si Hesus at ang Espiritu Santo ay iisa. Iisa lang ang misyon nila – ang ipalaganap ang kaharian at kalooban ng Diyos sa buong mundo. Sa pamamagitan ng binyag, inaanyayahan tayo na makiisa sa Santisima Trinidad at makibahagi sa Kanilang misyon. Kung paanong si Jesus ay kaisa ng Ama, ang Espiritu ay nagbubuklod sa atin sa Diyos at sa sangkatauhan. Ang Banal na Espiritu ang patuloy na gumagabay sa atin na manatiling tapat sa katotohanan ng mga turo ni Hesus at sa pamamagitan ng ating mga panalangin at pagkilos ay ipinapasa ito sa mundo.