Daughters of Saint Paul

Mayo 29, 2018 Martes sa Ika-8 Linggo ng Taon

MARCOS 10:28-31

Nagsalita si Pedro at sinabi: “Iniwan namin ang lahat para sumunod sa iyo.” Sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: walang nag-iwan ng tahanan, mga kapatid, ina at ama at mga anak at mga bukid alang-alang sa akin at sa Ebanghelyo na walang gantimpala. Tatanggap nga siya ngayon ng makasandaang beses ng mga tahanan , mga kapatid, mga ina at mga anak at mga bukid sa gitna ng mga pag-uusig, at sa panahong darating nama'y makakamit ang buhay na walang hanggan. “May mga una ngayon na mahuhuli at may mga huli naman na mauuna.”

PAGNINILAY:

Sinasabi na para huwag mahirapan sa paglalakbay – sa lupa, sa dagat o sa himpapawid man – kailangang konti lang ang dalang bagahe. ’Yung talagang kailangan lang para huwag mabigatan. Nang sabihan ni Jesus ang kanyang mga alagad na ipalaganap ang Ebanghelyo sa buong daigdig, malinaw ang kanyang utos: Iwan ang lahat at huwag ding magdala ng anuman sa paglalakbay kundi tungkod lamang. Walang pagkain, walang pitaka o pera sa sinturon, nakasandalyas at isang damit lang.  Hindi madali para sa mga alagad na iwan ang lahat ng mga bagay na pamilyar at bahagi ng kanilang buhay. Nakakatakot at may kakabit itong matinding lungkot.  Pero, ginawa nila ito sa pagsunod kay Kristo.  At tiyak din ang gantimpalang kapalit ng kanilang sakripisyo: walang kapantay na mga biyaya sa gitna ng mga pag-uusig na kanilang titiisin, at sa hulihaý ang buhay na walang hanggan sa piling niya. Sa ngayon, ito rin ang hinihiling ng Diyos sa atin – na iwan ang mga bagay na naglalayo sa atin sa kanya.  Ano ba itong mga negatibong asal at gawa na nagpapabigat sa ating dibdib at nagbibigay ng lungkot at pasakit sa ating kapwa? Mga kasalanan, mga bisyo, mga maling relasyon, droga, inggit, galit, na nagbibigay sa atin ng sari-saring sakit, ligalig at di-payapang isip. Hindi kailanman madadaig sa kabutihang-loob ang Diyos. Lagi siyang may espesyal na paraan para ipabatid na natutuwa siya sa mga ginagawa natin para sa iba – bilang asawa, anak, kapatid, kaibigan – o kahit maging kasalubong lang sa daan. Kung baga, naglalaan siya ng oras para maibigay ang pinakamagandang regalong angkop para sa atin.  Hindi siya nauubusan ng magandang sorpresa, kaya nga, kung minsan, ‘yung ikinasasakit ng ating loob kung bakit di niya ibinigay, pagdating ng panahon, natutuklasan nating kalbaryo lang pala, kaya ipinagkait niya.  (Dagdagan mo po ang aming tiwala, mahal na Panginoon,  upang lubos naming maialay sa iyo ang lahat ng mahalaga at minamahal naming dito sa lupa. Ikaw ang nakababatid kung  ano ang tunay na mabuti at makapagpapaligaya sa amin kaya sa iyong mga palad inilalagak namin ang aming bukas, Amen.)