EBANGHELYO: Mk 11:27-33
Muling dumating sa Jerusalem si Hesus at ang kanyang mga alagad, at paglakad nya sa Templo, nilapitan siya ng mga Punong-pari kasama ang mga guro ng Batas at ang Matatanda ng bayan, at nagtanong: “Ano ang karapatang mong gawin ang mga ito?” Sino ang nagtalaga sa iyo para gawin ito?” “Tatanungin ko rin kayo ng isang tanong. Sasagutin ninyo ako at sasagutin ko rin kayo kung sino ang nagtalaga sa akin para sa mga ito. Galing ba sa Diyos ang pagbibinyag ni Juan, o sa tao? Sabihin ninyo sa akin.” At nag-isip-isip sila: “Kung isasagot nating galing sa Diyos, sasabihin niya: ‘Bakit kayo hindi naniniwala sa kanya?’ at paano naman nating masasabing galing lamang sa tao ang pagbibinyag ni Juan?” Takot nga sila sa bayan dahil tunay na propeta ang palagay ng lahat kay Juan. Kaya isinagot nila kay Jesus: “Hindi namin alam.” “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sino ang nagtalaga sa akin na gumawa ng mga ito.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Ebet Agustin ng Association of Pauline Cooperators ang pagninilay sa ebanghelyo. Ang mga taong umusig kay Hesus ay mga pinuno ng mga Hudyo. Katulad sa ating Senado, sila ang katas-taasang Konseho na sa bandang huli ay naghatol ng kamatayan kay Hesus. Tinanong nila ang Kristo kung sino ang nagbigay ng kapangyarihan sa Kanya upang gawin ang mga bagay na Kanyang ginagawa. Dahil sa kanilang paniwala, sa kanila dapat manggaling ang kapangyarihan na ipinakita ni Hesus. Sila’y gutom sa kapangyarihan at wala silang ibang kinikilala. Ano man ang pangaral ni Hesus, kanilang sinasala/ at ano man ang maglalagay sa panganib sa kanilang kapangyarihan, kanilang nilalabanan. Sila’y mayabang, mapagmataas at sadyang bulag sa harap ng matinding katibayan ng banal na kapangyarihan ni Hesus. Pero tayo rin mga kapatid ay maaaring magkaroon ng katulad na pagkabulag. Nakikita ba nating gumagalaw ang Panginoon sa ating pang-araw-araw na buhay? Tumatanggi ba tayong makita ang presensya ng Diyos sa mga tao at pangyayari? Lahat ay maaring gamitin ng Panginoon, tao man o karanasan, masama o mabuti, upang tayo’y magkaroon ng tahasang pakikipag-usap sa Kanya.
PANALANGIN
Panginoon, ipaubaya Mong hanapin at makita Kita sa mga taong nakapaligid sa akin at sa pang-araw-araw kong buhay. Amen.