Daughters of Saint Paul

Mayo 29, 2024 – Miyerkules sa Ika-8 Linggo ng Taon  

BAGONG UMAGA   

Mapagpalang araw ng Miyerkules mga kapatid/kapanalig! Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Atin nang pagnilayan ang Ebanghelyo ayon kay San Marcos kabanata sampu, talata tatlumpu’t dalawa hanggang apatnapu’t lima.

Ebanghelyo: Mc 10:32-45

Sa paglakad ng mga alagad paahon sa Jerusalem, nanguna si Jesus at nagtaka sila. Natakot naman ang mga kasunod nila. Muli niyang isinama ang Labindalawa at habang nasa daan ay sinimulan niyang sabihin sa kanila ang mga sasapitin niya: “Tingnan ninyo, papunta na tayo sa Jerusalem. Doon ibibigay ang anak ng Tao sa mga Punong-pari at mga guro ng Batas na maghahatol sa kanya ng kamatayan. Kaya ibibigay nila siya sa mga pagano. Pagtatawanan nila iya, luluraan, hahagupitin at papatayin. Ngunit babangon siya pagkatapos ng tatlong araw.” Lumapit noon kay Jesus sina Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo, at sinabi sa kanya: “Guro, gusto sana naming gawin mo ang hihingin namin sa iyo.” At sinabi ni Jesus: “Ano ang gusto n’yong gawin ko?” Sumagot sila: “Ipagkalooob mo sa amin sa iyong kaluwalhatian na maupo ang isa sa amin sa kanan mo, at ang isa naman nasa kaliwa mo.” Sinabi ni Jesus: “Talagang hindi n’yo alam kung ano ang hinihingi n’yo. Maiinom n’yo ba ang kopang iinumin ko at mabibinyagan sa binyag na ibibinyag sa akin?” Sumagot sila: “Kaya namin.”Sumagot si Jesus: “Totoong iinum din kayo sa kopang iinumin ko at mabibinyagan sa binyag na ibibinyag sa akin. Ngunit wala sa akin ang pagpapupo sa aking kanan o kaliwa. Inihanda ito para sa iba.” Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila kina Jaime at Juan. Kay tinawag sila ni Jesus, at sinabi sa kanila: “Alam n’yo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Huwag namang ganito sa inyo:ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod n’yo, ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin n’yo. “Gayundin naman , dumating ang Anak ng tao hindi para paglingkuran kundi maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami.”

Pagninilay:

Minsan, nagtataka ako sa mga apostol ng Panginoon, kasi parang hindi talaga sila nakikinig. Sinabi na nga ng Panginoon sa Mabuting Balita ngayon na pagpunta nila sa Jerusalem, ipagkakanulo siya, hahatulan, hahagupitin, duduraan at papatayin. Pero parang nagsalita lang siya sa hangin. Kasi iba ang hiling ng magkapatid na Santiago at Juan. Gusto nilang maging kanan at kaliwang kamay ni Jesus sa kanyang kaharian. Ibig sabihin, gusto nila ng mataas na ranggo kaysa sa mga kasamahan nila. Kaya naman nagalit ang iba nang malaman ito. Pero imbes na magalit si Jesus, ipinaliwanag niya na sa kaharian ng Diyos, wala sa ranggo o posisyon ang kadakilaan ng tao: “Ang sinuman sa inyo na nais maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo, at ang sinumang nais maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at upang mag-alay ng kanyang buhay para sa ikatutubos ng marami.” Kapatid, kapanalig, handa ka bang maglingkod at mag-alay ng iyong buhay sa araw na ito?