Daughters of Saint Paul

Mayo 29, 2025 – Huwebes | Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay o kaya Paggunita kay San Pablo VI

Ebanghelyo:  Juan 16:16–20

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Sandali pa at hindi n’yo na ako muling makikita, at sandali pa at makikita n’yo rin ako.” At sinabi ng kanyang mga alagad sa isa’t isa: “Ano ba itong sinasabi niya sa atin: ‘Sandali pa at hindi n’yo na ako makikita, at sandali pa at makikita n’yo rin ako’ at ‘Papunta ako sa Ama’?” Kaya sinabi nila: “Ano ba itong ‘sandali’? Hindi natin alam kung ano ang sinasabi n’ya.” Alam ni Jesus na niloob nilang tanungin s’ya at sinabi n’ya sa kanila: “Itinatanong n’yo sa isa’t-isa ang ibig kong sabihin, ‘Sa sandali pa at hindi n’yo na ako makikita, at sandali lamang at makikita n’yo ako.’ Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, tatangis kayo at tataghoy, ngunit magagalak naman ang mundo. Malulungkot kayo ngunit magiging kagalakan ang inyong kalungkutan.

Pagninilay:

Luha mula sa pagtangis. Sa Salmo limampu’t anim, talata siyam, nakasulat ang tinipon na mga luha sa maliit na bote. Paglalarawan ito ng dakilang awa at pag-aalaala ng Diyos sa ating pagdurusa. Sa sinaunang kulturang Oriental, kinaugalian nilang tipunin ang kanilang mga luha sa maliliit na bote. Naniniwala silang itinatala ng Diyos ang kanilang mga panaghoy. I-welcome natin ang Mabuting Balita ngayon.

Nakakapagbigay ng pag-asa ang paraan ng pagpapatahan sa atin ng Panginoon. Sa pagtangis daw natin, may kapalit itong tuwa at ginhawa. Ayon nga kay Pope Francis sa message niya sa darating na Linggo na World Communications Day “hayaan nating yakapin tayo ng Diyos at puspusin tayo ng kanyang awa.” Kaya’t manampalataya tayo na ang ating mga luha na pinatakan ng awa ng Diyos ang siyang magiging tubig ng pag-asa sa ating puso. Ito rin ang makapaghuhugas sa mararahas at mapanlinlang na komunikasyon. Paalingaw-ngawin din natin ang Tema ng World Communications Day. Iisang tinig nating sabihin: “BANAYAD NATING IBAHAGI ANG PAG-ASA NA NASA ATING PUSO!” Maging buhay na saksi tayo ng tunay na komunikasyon. Maging tagapagpalaganap ng mabubuting balita. Maghain ng kultura ng pagkalinga sa larangan ng social media. Maging tinig ng pag-asa.