EBANGHELYO: Jn 14:6-14
Sinabi ni Hesus kay Tomas: “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang sinumang nakalalapit sa Ama liban sa pamamagitan ko. Kung nakilala sana ninyo ako, nakilala rin ninyo ang aking Ama. Ngunit kilala na ninyo siya at nakita ninyo siya.” Sinabi sa kanya ni Felipe: “Panginoon, ituro mo na sa amin ang Ama at sapat na sa amin.” Sumagot sa kanya si Hesus: “Diyata’t matagal na panahon na ninyo akong kasama at hindi mo pa ako kilala, Felipe? Sa pagkakita sa akin ninuman, ang ama ang nakita niya. Papaano mong masasabi: ‘Ituro mo sa amin ang Ama’? Hindi ka ba naniniwalang nasa Ama ako at nasa akin ang Ama? Hindi mula sa sarili ko sinasabi ang mga salitang binibigkas ko. Sa akin nanunuluyan ang Ama, at siya ang gumagawa ng kanyang mga gawa. Maniwala kayo sa akin na nasa Ama ako at nasa akin ang Ama. Kung hindi dahil sa akin, maniwala kayo dahil man lamang sa mga gawa. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magagawa ng nananalig sa akin ang aking ginagawa; at mas dakila pang mga bagay ang kanyang gagawin. Sapagkat sa Ama ako papunta. Anumang hingin ninyo sa Ngalan ko’y gagawin ko upang luwalhatiin ang Ama sa Anak. At kung sa aki’y may hihingin kayo sa Ngalan ko, gagawin ko iyon.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Nimfa Ebora ng Pious Disciples of the Divine Master o PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo. (Paano mo gustong makilala ng iyong mga kaibigan? Siyempre naman, para sa malalim na samahan, dapat kilala nila ‘ko sa maraming bagay at lalung-lalo na sa aking mga katangian. Ang malalim na pagkakakilala kasi ang pundasyon ng matibay na samahan, di ba? Kung kilala lang ako ng isang tao sa aking pangalan, tapos wala syang alam tungkol sa ibang aspeto ng aking sarili, di ba parang mababaw lang yung relasyon at yung ugnayan. Ganito yung mabuting balita natin ngayon.) Mga kapatid, gusto ni Hesus na makilala natin sya hindi lang siyempre sa pangalan kundi sa ibang bagay din tungkol sa kanyang sarili. (Ano ba yung gusto nyang malaman natin tungkol sa kanya?) Ipinakilala niya ang kanyang sarili bilang DAAN, KATOTOHANAN AT BUHAY. (Wow, ang lalim naman non! Ano ba ang ibig nyang sabihin? Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. One short sentence, pero ito yung summary kung sino si Hesus.) Kung pagninilayan, Siya naman talaga ang Daan dahil ang mga halimbawa niya ay siguradong landas na gumagabay sa atin. Hindi lang nya itinuro kung saan tayo dapat pumunta. Sya mismo ang umaakay at gumagabay sa atin para marating natin ang ating paroroonan… na walang iba kundi ang Ama. Siya ang Katotohanan dahil, sabi nga nya sa Jn 3:13, “wala pang sinumang umakyat sa langit kundi ang bumaba mula sa langit”… siya yon. Kasama na nya ang Ama sa simula’t simula pa kaya ang sinasabi nya ay mga salitang galing mismo sa Ama. Kaya naman pwede natin pagkatiwalaan ang kanyang mga salita. Siya ang Buhay dahil iniligtas niya tayo sa kamatayang dulot ng ating mga kasalanan. Siya din ang nagbalik sa atin sa isang buhay karugtong ng Ama dahil naparito sya para iugnay niya uli tayo sa pinanggagalingan ng “natural” and “spiritual life” na walang iba kundi ang Ama na nagbigay ng buhay sa lahat ng nilalang sa mundo.// Ganyan kalalim na pagkakaibigan ang gusto ni Hesus sa atin… yung may malalim na ugnayan at pagkakakilala. Handa ka bang tumugon sa panawagang ito?