Daughters of Saint Paul

Mayo 30, 2017 MARTES sa Ikapitong Linggo ng Pasko ng Pakabuhay / Santa Juana de Arco

 

Gawa 20:17-27 – Slm 68 – Jn 17:1-11a

Jn 17:1-11a

Tumingala si Jesus sa Langit at nagsalita:  “Ama, sumapit na ang oras. Luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang makaluwalhati sa iyo ang Anak; ipinagkaloob mo nga sa kanya ang kapangyarihan sa bawat tao at gusto mong pagkalooban niya ng walang hanggang buhay ang lahat ng bigay mo sa kanya. Ito naman ang buhay na walang hanggan: ang kilanlin ka, ang tanging totoong Diyos at ang sinugo mong si Jesucristo.

             “Niluwalhati kita sa lupa, ginanap ko ang trabahong ipinagawa mo sa akin. At ngayon, luwalhatiin mo ako, Ama, at ibigay sa akin na katabi mo ang luwalhating akin sa tabi mo bago pa man nagkaroon ang mundo.

             “Ipinahayag ko ang pangalan mo sa mga taong kinuha mo sa mundo at ipinagkaloob sa akin. Iyo sila at sa akin mo sila ipinagkaloob, at tinupad nila ang iyong salita. At nakilala na nila na sa iyo galing ang lahat ng ipinagkaloob mo sa akin. Talaga, ipinagkaloob ko sa kanila ang mga salitang ipinagkaloob mo sa akin, at tinanggap nila at kinilalang tunay na sa iyo ako galing, at naniwala sila na ikaw ang nagsugo sa akin. 

            “Ipinagdarasal ko sila. Hindi ang mundo ang ipinagdarasal ko kundi ang mga ipinagkaloob mo sa akin dahil iyo sila. Iyo ang lahat sa akin, at akin din naman ang iyo, at naluwalhati ako sa kanila. Wala na ako sa mundo, ngunit nasa mundo pa sila habang papunta ako sa iyo. Amang Banal, ingatan mo sila sa Ngalan mo na ipinagkaloob mo sa akin, upang maging isa sila gaya natin.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, sa panalanging dinasal ng Panginoong Jesus sa Kanyang Ama, mararamdaman natin ang Kanyang wagas at hindi mahigitang pagmamahal para sa lahat ng tao. Napakaraming paraan at pagkakataong ipinakita na ni Jesus kung gaano kawagas at kadakila ang Kanyang pagmamahal sa sanlibutan, lalo na sa Kanyang mga alagad. At pinakatampok dito, ang Kanyang pagpapakasakit sa krus at pag-aalay ng buhay para tubusin tayong lahat sa kasalanan.  Kung tutuusin, hindi Niya na kailangan pang patunayan na mahal Niya nga ang Kanyang alagad dahil sa simula’t simula pa, Kanya na itong ipinadama sa kanila.  Pero bago Niya lisanin ang lupa, ang kapakanan pa rin ng Kanyang mga iiwanan ang kanyang bukambibig. Sinabi Niya, “Ipagdarasal ko sila.” Simpleng mga kataga lamang, pero ito ang pinakamabisang paraan upang maipadama ni Jesus ang Kanyang pagmamahal sa kanyang mga alagad, kahit na Siya’y malayo na sa kanila.  Mga kapatid, katulad ni Jesus, nawa’y ugaliin rin nating ipagdasal ang ating mga mahal sa buhay, mga pamilya’t kaibigan, at maging ang ating mga kaaway. Dito natin napapamalas ang ating pagmamahal, kahit malayo man tayo sa kanilang piling at ang tanda ng ating pagiging tunay na Kristiyano.