Daughters of Saint Paul

MAYO 30, 2021– DAKILANG KAPISTAHAN NG BANAL NA SANTATLO (B)

EBANGHELYO: Mt 28:16-20

Pumunta sa Galilea ang Labing-isang alagad, sa bundok na itinakda ni Hesus. Pagkakita nila sa kanya, sumamba sila, ngunit may nag-aalinlangan pa. At nilapitan sila ni Hesus at sinabi: “Ibinigay sa akin ang buong kapangyarihan sa Langit at sa lupa. Kaya humayo kayo at gawing mga alagad ang lahat ng bansa. Binyagan sila sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuan sila na sundin ang lahat ng iniutos ko sa inyo. Kasama ninyo ako sa lahat ng araw hanggang sa wakas ng panahon.”

PAGNINILAY

Isang napakagandang pagbati sa pasimula ng Misa ang bumubungad sa bayan ng Diyos.  “Ang pagpapala ni HesuKristo, ang pag-ibig ng Diyos Ama at ang pakikipagkaisa ng Espiritu Santo nawa’y sumainyong lahat.” Sa pagdiriwang ngayon ng Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos, sinisikap nating unawain ang ugnayan ng Diyos Ama, Diyos Anak at Diyos Espiritu Santo. Maaalalang umusbong ang Kristiyanismo sa paniniwalang monotheismo ng Israel:  may iisang Diyos lamang na dapat mahalin at sambahin.  Pero nauunawaan ng mga Kristyano na tuwing nakakatagpo nila ang Diyos, hindi nila ito nakikita bilang nag-iisa, kundi bilang Diyos na kumikilos, bilang Diyos na lumalapit sa tao, at bilang Diyos na nakikipag-ugnayan.  Oo, iisa lamang ang Diyos, pero hindi Siya nag-iisa.  Ama ang Diyos na siyang lumikha ng daigdig, na kung saan ang lalaki at babae ang kanyang pangunahing nilikha.  Nang nadapa ang sangkatauhan, isinugo ng Ama ang Anak na Nagkatawang Tao bilang si Hesus ng Nazaret. Isinugo din ng Diyos ang Banal na Espiritu kay Hesus/ at sa Muling Pagkabuhay ni Hesus mula sa kamatayan, isinugo din ng Diyos ang Espiritu, “ang Panginoon at Tagapagbigay ng Buhay sa mga mananampalataya.  Sinabi rin ni Papa San Juan Pablo II na masasalamin sa buhay-may-asawa ang ugnayan ng banal na Santatlo: “Ang lalaki ang umiibig, ang babae ang iniibig at ang anak ang bunga ng pag-iibigan.” Sa gayon, sa kanilang kasal, nagiging isa ang dalawa, at dahil sa pag-ibig, nagbubunga at nagbibigkis ito ng marami, kasama na ang mga anak at iba pang mga miyembro ng pamilya, ng mga angkan, at ng buong komunidad.  Sa pagbasa ngayong araw, may mahalagang tagubilin si Hesus kaugnay sa Santatlo. Winika niya, “Humayo kayo at gawing alagad ang lahat ng mga bansa.  Binyagan sila sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo….kasama ninyo ako sa lahat ng araw hanggang sa wakas ng panahon.”  

PANALANGIN

Mahal na Panginoong Hesus, nawa, ang buong buhay namin, maging isang pagdakila sa Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo, Amen.