Daughters of Saint Paul

Mayo 31, 2018 Huwebes sa Ika-7 Linggo ng Taon / Kapistahan ng Pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria

LUCAS 1:39-56

Nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan! Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon.” At sinabi ni Maria: “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas dahil isinaalang-alang niya ang balewalang utusan niya, at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi. “Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan. Patuloy ang kanyang awa sa mga sali’t salinlahi para sa mga may pitagan sa kanya. Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig, ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak. “Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan, itinampok naman ang mga balewala. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at itinaboy namang walang-wala ang mayayaman.  Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod, inalaala ang kanyang awa ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman.” Mga tatlong buwang nanatili si Mariang kasama ni Elizabeth at saka nagbalik sa kanyang bahay.

PAGNINILAY:

May malinaw na plano ang Diyos sa pagliligtas sa sanlibutan mula sa pagbubuntis ni Maria para maging ina ng kanyang anak, at ni Elisabeth matanda na at baog para ang anak nitong si Juan ang maging tinig sa ilang na hahawan sa landas nitong daraanan. At tigib ng papuri at pasasalamat ang dalawang babae sa dakilang bagay na itong iniatang sa kanila ng Diyos. Tumatanggap din tayo ng di-mabilang na biyaya mula sa Diyos sa bawat araw. At may malinaw din siyang plano kung ano ang ating papel at tungkulin para sa kanyang kaharian dito sa lupa. Nawa, sa tulong at gabay ng Espiritu Santo, matutuhan din nating tumugon sa kalooban ng Diyos para sa ating buhay, Amen.