EBANGHELYO: Lk 1:39-56
Nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan! Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinasabi sa kanya ng Panginoon.” At sinabi ni Maria: “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas dahil isinaalang-alang niya ang balewalang utusan niya, at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi. Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan. Patuloy ang kanyang awa sa mga sali’t-salinlahi para sa mga may pitagan sa kanya. Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig, ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak. “Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan, itinampok naman ang mga balewala. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at itinaboy namang walang-wala ang mayayaman. Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod, inalala ang kanyang awa ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman.” Mga tatlong buwang nanatili si Mariang kasama ni Elizabeth at saka nagbalik sa kanyang bahay.
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Reajoy San Luis ang pagninilay sa ebanghelyo. Paano mo gustong maalala ng mga tao? Isa sa masasabing tradisyon sa aming ministry bilang mga Daughters of St. Paul ay ang pagbisita sa mga tahanan. (Kalimitan ang pinipili naming lugar ay yung talagang malalayo – mga lugar na bihira o minsan sa isang taon lang nakakapagmisa ang pari. Ang isa sa ginagawa namin ay ang pagdadala at pagluluklok ng Bibliya sa bawat tahanan. Ito ay matapos magabayan sa pagbabasa at pagdarasal ang miyembro ng pamilya na ang sentro ay ang Salita ng Diyos.) Ang aming inspiration dito ay ang Kapistahang ipinagdiriwang natin ngayon: Ang pagbisita ni Maria sa pinsan niyang si Elisabet habang nasa sinapupunan niya si Hesus. (Kung sa atin pang lenggwahe ngayon… malakas ang dating ng presensya ni Hesus kaya’t naramdaman ito ni Juan na nasa sinapupunan din ni Elisabet.) Katulad ni Maria, sa aming pagbisita sa mga tahanan, at sa ating lahat — na walang pag-aalinlangang dumadalaw sa buhay ng ating kapwa sa iba’t ibang paraan – (tulad ng pagtulong at pakikiramay sa kanila, nawa’y naramdaman nila ang presensiya ng Diyos) – nawa’y sa bawat sandali ng pakikipag-ugnayan natin sa kanila ay maramdaman nilang dinalaw sila ng Diyos, na malapit at nananahan din sa kanila — ang buhay na salita ng Diyos na punung-puno ng pag-asa. Nawa’y naramdaman nila kung gaano sila kamahal ng Diyos. (At sa oras ng kadiliman at pagsubok, ito nawa ang kanilang maalala… ang pagdalaw, liwanag at pag-asang dulot ng Diyos sa kanila.)